Al Nakba 78 Matatag na paglaban ng mamamayang Palestino para sa pambansang paglaya
Noong Mayo 15, ginunita ng mamamayang Palestino ang ika-78 taong anibersaryo ng Al Nakba sa gitna ng rumaragasang gerang henosidyo ng US-Israel. Ang Al Nakba (Ang Sakuna) ang madugong pagpapalayas ng mga Zionistang grupo sa Palestine noong 1948 para itatag ang estadong “Israel” sa tulak ng imperyong British.
Itinuturing ng mamamayang Palestino ang nagpapatuloy na henosidyo bilang “bago at mas brutal na antas ng Al Nakba.” Tulad sa nakaraan, kinatatangian ito ng maramihang pangmamasaker, panggugutom, pangwawasak ng mga bahay at imprastruktura, at pwersahang pagpapalayas para ganap na burahin ang lahing Palestino.
Mula Oktubre 2023, pinulbos ng mga Zionista ang buong Gaza gamit ang mga bala at bombang gawa at bigay ng US. Sa upisyal na tala, umaabot na sa 75,000 ang direktang pinatay ng pananalakay, at daan-daanlibo pa ang di direktang namatay sa gutom, sakit, nabaon sa gumuhong mga gusali at mga di na natagpuan. Hindi tumigil ang mga Zionista sa pang-aatake kahit nakipagkasundo ito sa tigil-putukan mula Oktubre 2025.
Itinakda ng Zionistang estado ang panibagong pang-aagaw ng lupa sa pamamagitan ng pagguhit ng “yellow line” sa loob ng Gaza. Nagtayo ito ng 13 bagong detatsment militar para ipailalim sa kontrol nito ang 53-58% ng teritoryo. Sinaklaw nito ang 50-60% ng mga lupaing sakahan habang ikinulong ang mga Palestino sa masisikip na sentro ng ebakwasyon na malayo sa mga lupang produktibo at kanilang kabuhayan.
Kasabay sa henosidyo sa Gaza, unti-unting sinasakop ng Israel ang buong West Bank at East Jerusalem. Araw-araw, dumaranas ang mga Palestino rito ng panggigipit, pagmamanman, at pagpapalayas. Sa katapusan ng 2025, mahigit 700,000 Zionistang setler na ang naninirahan sa mahigit 250 iligal na settlement sa loob ng naturang mga lugar.
Di magpapalupig
Sa kabila ng kalupitan at lagim ng pananakop, matatag ang paninindigan ng mamamayang Palestino na manatili sa kanilang bansa, gayundin ang karapatan ng lahat ng napalayas na bumalik at bawiin ang lupa at mga teritoryong inagaw sa kanila. Tangan ang nakaraang mahigit isang siglo ng mga rebolusyon at pag-aalsa, hindi sila pumapayag na maganap ang isa pang sakuna, o “Al Nakba 2.0.”
Mula isinagawa ang Al Aqsa Flood, ang armadong pag-aalsa noong 2023, muling napatunayan ang kawastuan ng pakikibakang Palestino. Muling nalagay ang kanilang makatarungang paglaban sa mga sentro ng mga institusyong internasyunal. Bilang suporta, milyun-milyon ang bumuhos sa mga lansangan ng Europe, America, Africa at Asia. Kinilala ng mundo ang pakikibaka bilang laban para sa kalayaan, katarungan, dangal, at sangkatauhan at hindi sigalot lamang sa mga hangganan, at lalong hindi kaugnay sa “pagtatanggol sa sarili” ng Israel.
Higit dito, nalantad ang kahindik-hindik na mga krimen ng Zionistang Israel na sa matagal na panahon ay itinuring nang “normal,” kahit ng maraming estadong Arabo. Tuluyang gumuho ang ilusyon ng Israel bilang “natatanging demokrasya” sa Middle East at nalantad bilang makabagong “Nazi” na kinamumuhian sa buong mundo. Kinilala ang tindi at lawak ng mga krimen sa digma at sangkatauhan nito sa International Court of Justice at International Criminal Court.
Ekspansyunismo sa tulak ng US
Lampas sa Palestine, sinasakop din ng mga Zionista ang iba pang bahagi ng Middle East sa ilalim ng kampanyang Greater Israel. Pinakalayunin nitong saklawin ang mga mayayamang teritoryo at lagusan mula sa Ilog Nile ng Egypt hanggang sa Ilog Euphrates sa Iraq.
Sa Lebanon, sinimulan nito ang paglalatag ng “yellow line” na umaabot nang 10 kilometro sa katimugang bahagi matapos ang walang tigil nitong bombahin ang lugar mula Marso. Sa Syria, iligal na sinakop ng Israel ang Golan Heights mula pa 1967. Sa kabila ng mga resolusyon ng United Nations na nag-uutos na ibalik ang teritoryo, tuluy-tuloy ang pagtatayo nito ng iligal na mga komunidad at industriya sa mga bahaging mayaman sa tubig at mataba ang lupa.
Nasa likod ng mga agresyon na ito ang imperyalismong US, gamit ang bilyun-bilyong pondong militar at armas, para panatilihin ang kontrol sa Middle East. Nagsisilbi ang inokupang mga teritoryo ng Israel bilang malaking estratehikong base-militar para gipitin ang mga bansang Arabo at kontrolin ang mga likas na yaman, partikular ang langis at mga lagusan ng komersyo.