EDCA, kinundena sa ika-124 anibersaryo ng pagsiklab ng gerang US-Pilipinas

,

Binatikos ni House Deputy Minority Leader at ACT Rep. Frances Castro ang todo-todong pagtataguyod ng rehimeng Marcos sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA at ang nagpapatuloy na presensya ng mga tropang Amerikano sa bansa noong Pebrero 4, ika-124 anibersaryo ng pagsiklab ng gerang Pilipino-Amerikano.

“Tila hindi umalis ang mananakop,” pahayag niya sa kanyang talumpati sa isang programa ng paggunita sa Sta. Mesa, Maynila. “Maaaring mapamura sa galit si Heneral Luna, at umalab muli ang gerilyang diwa ng Tinio Brigade at ng mga bayaning Lumad kung malaman nilang nagbalik sa kanilang mga probinsya ang noo’y kanilang pinalayas.”

Sumiklab ang digmaang Pilipino-Amerikano noong Pebrero 4, 1899 nang paputukan ng isang sundalong Amerikano ang nagpapatrulyang sundalong Pilipino. Pinanghawakan ng naturang mga sundalong Pilipino ang hangarin ng mamamayang Pilipino na maging malaya pareho sa kolonyalistang Espanyol at mga Amerikanong mananakop. Tumagal ang digmang ito hanggang Hulyo 2, 1902.

Panawagan ni Rep. Castro, ang pagwawakas sa panghihimasok militar ng US sa Pilipinas, na lalupang tumingkad matapos sinang-ayunan ng papet na rehimeng Marcos noong nakaraang taon ang pagtatayo ng dagdag na limang base militar sa bansa. Dagdag ang mga ito sa nauna nang limang pasilidad militar na dati nang napagkasunduan sa ilalim ng EDCA. Ipinirmi ang mga lokasyon ng apat sa limang dagdag na base militar at pagpapabilis sa konstruksyon ng naunang lima sa pagbisita ni US State Sec. Lloyd Martin sa bansa noong nakaraang linggo.

Base militar saan man sa bansa

Mas malala sa nagdaang mga kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at US ang EDCA. Ito ay dahil pinahihintulutan nito ang pagtatayo ng mga base at pasilidad militar ng US sa loob mismo ng kampo ng AFP kahit saang bahagi ng bansa. Iniikutan nito ang probisyon sa konstitusyong 1987 na nagbabawal sa mga dayuhang mga base militar, tropa at pasilidad na walang tratadong pinagtibay ng 2/3 boto sa senado.

Anupaman ang palusot ng US, sa aktwal ay gagamitin ang mga permanenteng base at pasilidad na ito bilang lagakan ng mga armas, kampuhan ng mga tropa at mga depot para sa pagkumpuni at pagrefuel ng mga barko at eroplanong pandigma. Tulad sa nakaraan, magiging sentro ang mga ito ng malalalang paglabag, pang-aabuso at anti-sosyal na mga gawi. Napatunayan na sa nakaraang mga taon ang kawalang panangutan ng US sa mga krimen ng kanilang mga tauhan habang nasa loob ng bansa.

Para panatilihing maamo ang tutang estado nito sa Pilipinas, hindi bababa sa $54-$55 milyon ang inililimos ng US sa Armed Forces of the Philippines sa nakaraang limang taon. Sa nagdaang pagbisita ni Austin, ipinagmalaki niyang maglalaan ang US ng $82 milyon para sa pagtatayo ng unang limang base militar nito sa ilalim ng EDCA. Tinawag niya itong “suporta sa ekonomya at paglikha ng mga trabaho.”

Libreng gamit ng mga rekurso

Binweltahan ng mga demokratikong grupo ang pahayag na ito ni Austin. Sa ilalim ng EDCA, walang babayarang upa para sa pwesto at walang babayarang anumang buwis ang US sa pamamalagi nito sa loob ng bansa. Wala rin silang pananagutan na linisin ang mga baseng ito ng maiiwan nilang mga basura at nakalalasong kemikal, tulad ng wala silang pananagutan na linisin ang dati nilang iniwang mga base sa Clark at Subic.

“Habang ang mamamayang Pilipino ay naghihirap at nagkukumahog na mabuhay sa ilalim ng lumalalang krisis pang-ekonomiya, ang US military ay pagkakalooban ng libreng gamit sa rekurso ng Pilipinas,” pagkundena ng Kilusang Mayo Uno. “Ang kanilang paggamit ng mga pampublikong utilities tulad ng tubig at kuryente ay tax-exempt o libre mula sa anumang buwis. Higit pa rito, papayagan silang magpagana ng sarili nilang sistemang telekomunikasyon at bibigyan ng libreng access sa radio frequencies.”

Sa esensya, ayon sa grupo, ang sambayanang Pilipino ang babalikat sa gastusin ng mga base at pasilidad na gagamitin ng US para sa panghihimasok militar nito sa Pilipinas, at pakikipaggirian nito sa China.

AB: EDCA, kinundena sa ika-124 anibersaryo ng pagsiklab ng gerang US-Pilipinas