Balita

ICC, libreng nag-imbestiga sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Duterte sa Pilipinas

,

Libreng nagsagawa ang International Criminal Court (ICC) ng imbestigasyon sa mga krimen sa sangkatauhan ni Rodrigo Duterte sa Pilipinas, may pagsang-ayon at kooperasyon man o wala ang gubyerno ng Pilipinas. Sa gayon, hindi na bago ang pahayag ni Solicitor General Menardo Guevarra kamakailan na hindi haharangin ng gubyerno ni Ferdinand Marcos Jr ang imbestigasyon ng internasyunal na korte, sa kabila nang pagkalas ng Pilipinas dito noong 2019. Katunayan, ganito rin ang pahayag ni Ferdinand Marcos noong Enero, bago naging lantaran ang pagbibiyak ng pangkating Marcos at pangkating Duterte.

Alinsunod sa pahayag ni Guevarra, patuloy na naninindigan ang rehimeng Marcos na hindi ito makikipagtulungan sa ICC. Hindi pa binabawi ni Marcos ang unang pahayag na hindi niya gagalangin ang mandamyento de aresto na ilalabas ng korte laban sa dating presidente.

Ayon kay Atty. Kristina Conti, abugado ng mga pamilya ng mga biktima at assistant counsel o katuwang na abugado sa imbestigasyon ng ICC, tapos na ang paunang pagsusuri (preliminary examination) sa kung may naganap bang krimen laban sa sangkatauhan. Nakatuon ang unang serye ng pagsusuri sa padron ng mga pamamaslang, hindi lamang sa pagpaslang ng isang biktima, para ipirme na nagkarooon ng “sistematiko at malawakang pamamaslang” sa ngalan ng “gera kontra-droga” sa ilalim ng nakaraang rehimen.

Sa ngayon, nasa antas ang ICC kung saan ipinipirme nito kung sinu-sino ang responsable sa natukoy na mga krimen. Paliwanag ni Attorney Conti, hindi hinahanap ng korte kung sino ang bumaril sa mga biktima, kundi sino ang nag-utos nito, na siya o silang pinakaresponsable sa mga krimen. Aniya, maaaring imbestigahan ng korte ang isang tao o isang grupo ng mga tao.

Ayon sa huling mga balita, nagpadala na ang ICC ng dokumento sa Gubyerno ng Pilipinas noong Hulyo 3 na nagpangalan kina Ronald de la Rosa, Oscar Albayalde, Romeo Caramat Jr, Edilberto Leonardo at Eleazar Mata bilang mga indibidwal na sangkot sa krimen laban sa sangkatauhan. Ang lima ay mga dati at kasalukuyang mga upisyal ng Philippine National Polcie na direktang sangkot sa “gera kontra-droga” ng rehimeng Duterte.

AB: ICC, libreng nag-imbestiga sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Duterte sa Pilipinas