Balita

Pagkapanalo ni Maduro sa Venezuela, binati ng mga mamamayan at gubyernong anti-imperyalista

, ,

Nagpaabot ng pagbati ang mga pinuno ng Cuba, Colombia, Honduras at Nicaragua sa pagkapanalo ni Nicolas Maduro sa eleksyong pampresidente sa Venezuela sa pangatlong pagkakataon. Sa idinaos na eleksyon noong Hulyo 28, nakakuha si Maduro ng 51.2% ng mga boto, laban sa kanyang kalaban na si Edmundo Gonzalez Urrutia, na nakakuha ng 44.2%.

Ito ay sa kabila ng pagtatangka ng US at mga alyado nito na guluhin ang eleksyon sa pamamagitan ng pag-hack sa data transmission system na nagresulta sa pagkabalam ng paglalabas ng resulta ng bilangan. Ayon sa National Electoral Council (NEC) ng Venezuela, nabilang na ang 80% ng mga boto nang atakehin ang sistema nito sa botohan. Isinisisi ng NEC ang panghihimasok sa demokratikong proseso sa Venezuela ang tinaguriang “Lima Group” o mga gubyerno sa Latin America at Carribean na nagnanais guluhin at baligtarin ang eleksyon sa Venezuela para patalsikin sa pwesto ang naghaharing partido ni Maduro. Kabilang dito ang Argentina, Costa Rica, Ecuador, Guatemala, Panama, Paraguay, Peru, Uruguay at Dominican Republic. Nakapaloob ang mga gubyernong ito sa Organization of American States (OAS), ang galamay ng US para sa panghihimasok at neoliberal na mga programa nito sa Latin America.

Inakusahan ng make-US na oposisyon, mga institusyon at midya si Maduro at mga ahensya ng Venezuela ng “pandaraya.” Idineklara pa ng mga ito si Gonzalez bilang “walang dudang nanalo,” taliwas sa upisyal na resulta ng eleksyon. Pinangunahan at sinulsulan nito ang mararahas na demonstrasyon na nagaganap ngayon sa bansa.

Binatikos ng mga election observers mula sa South Africa ang mga alegasyon sa pandaraya at sinabing naging malaya at patas ang botohan. Partikular nilang kinundena ang pagbabalita ng Reuters media group (na ibinalandra ng Rappler) na anila’y malisyoso at walang batayan lalo’t wala naman itong mamamahayag na aktwal na nagmatyag sa botohan. Kahit ang mga obserber sa US ay maingat sa mga alegasyon ng pandaraya at sinabi lamang na nagkulang sa “transparency” ang proseso at sa gayon ay di nito “maberipika” ang resulta ng eleksyon.

Malaking bahagi ng eleksyon sa Venezuela ay automated. Mayroon itong mga mekanismo para sa masaklaw na manwal na pag-awdit, kabilang ang random na beripikasyon ng mga balota sa 54.31% ng mga makinang ginamit.

“Tagumpay ito (eleksyon) ng pambansang independensya at dignidad ng mamamayang Venezuelan,” pahayag ni Maduro matapos ideklara ang kanyang pagkapanalo. “Sa araw na ito, nanaig ang dignidad at tapang ng mamamayang Venezuelan laban sa presyur at manipulasyon.”

Sa Pilipinas, binati ng Philippine-Bolivarian Venezuela Friendship Association (PBVFA) ang “payapa, transparent at matagumpay” na eleksyon sa Venezuela. “Ipinagdiriwang namin ang isa na namang tagumpay laban sa imperyalismong US para sa pambansang soberanya at karapatan sa pagpapasya-sa-sarili. Ito ay tagumpay ng lahat ng mamamayang lumalaban sa tiraniya at imperyalismo sa buong mundo, hindi lamang sa Venezuela.”

“Nakikiisa at nakikidiwang kami sa tagumpay ng mamamayang Venezuelan laban sa malaon nang gerang “hybrid” ng imperyalismong US (laban dito),” ayon sa PBVFA. “Matagal nang nilalabanan ng Bolivarian Republic of Venezuela ang asymmetrical (hindi karaniwan) na gera na inilulunsad ng imperyalistang US laban dito, sa pamamagitan ng blokeyo at mga sangsyon sa ekonomya, maraming beses na mga pagtatangkang patalsikin ang gubyerno at patayin si President Maduro, malawakang disimpormasyon na naglalarawan sa bansa at kay Maduro bilang “awtoritaryan” at “korap,” at suporta para sa mga pasistang grupo sa Venezuela at ang kanilang karumal-dumal na pagwasak sa…mga produksyon sa mga komuna ng Venezuela, nasyunalisadong industriya ng langis at agrikulturang ginagabayan ng teknolohiya.”

Natalo ni Maduro si Urritia, panghaliling kandidato ng oposisyon na si Maria Corina Machado. Nadiskwalipika si Machado sa pagtakbo sa eleksyon matapos maugnay sa mga krimen ni Juan Guaidó at dahil sa pagsuporta niya sa mga sangsyong pang-ekonomya ng ipinataw ng US sa Venezuela. Isa siya sa mga susing pulitiko na matagal nang nangunguna sa pagpapatalsik sa independyenteng gubyerno ng Venezuela sa panunulsol at direksyon ng US. Noong 2004, sinipa siya sa parlamento matapos lumahok sa pagpupulong ng OAS, taliwas sa upisyal na tindig ng Venezuela. Napag-alaman ring tumatanggap siya ng pondo mula sa National Endowment of Democracy (NED), isang ahensyang nakapailalim sa Central Intelligence Agency ng US. Isa siya sa pinakamariing tagatulak ng mga neoliberal na patakaran sa Venezuela, tulad ng malawakang pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo at korporasyon. Liban sa pagsuporta sa mga sangsyon sa sarili niyang bansa na nagpahirap sa milyun-milyon niyang kababayan, hayagan siyang nagkampanya para sa dayuhang interbensyong militar para palitan si Maduro. Bilang gantimpala, kinilala siya ng US sa “papel” niya bilang “oposisyon” sa Venezuela.

Si Guaidó, sa kabilang banda, ay isang pulitiko na nahalal sa pambansang asembleya noong 2018 pero idineklara ang sarili bilang “presidente” na lantarang pang-aagaw ng kapangyarihan. Kinilala siya ng US bilang “tunay na presidente” ng Venezuela, kahit di siya nahalal sa pusisyon. Itinulak ng US na kilalanin siya ng OAS noong 2019, pero di pumasa ang resolusyon dahil sa pagtutol ng maraming bansa sa Latin America. Napatalsik si Guaidó sa Venezuela at kasalukuyang nakasukob sa US.

AB: Pagkapanalo ni Maduro sa Venezuela, binati ng mga mamamayan at gubyernong anti-imperyalista