Pribatisasyon ng EDSA bus carousel, tinutulan

Nagpahayag ng pagtutol si Deputy Minority Leader at kinatawan ng ACT Partylist na si France Castro kaugnay sa planong pribatisasyon ng EDSA bus carousel nitong 2023. Aniya, magiging dagdag-pasanin ito ng mga komyuter dahil tiyak ang pagtaas ng pamasahe kapag inilipat sa pribadong sektor ang pagmamay-ari at operasyon nito. Gayunpaman, inilinaw niya na kasabay ng pananatili ng libreng serbisyong ito, dapat magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa krisis sa transportasyon sa pambansang kabisera.

Sa isang pag-aaral noong 2018, tinatayang 367,728 sasakyan ang abereyds na dumaadaan sa EDSA kada araw. Malaking mayorya nito (2/3) ay mga pribadong kotse habang 11.4% lamang ang pampublikong transportasyion (dyip, utility vehicle, taksi at bus.)

Ang EDSA bus carousel ang limitadong serbisyong transportasyon (libreng sakay) na binuksan noong panahon ng pandemya para ibsan ang matinding kasalatan ng pampublikong transportasyon. May badyet itong ₱1.2 bilyon mula 2020 o ₱12 milyon kada araw. Ayon sa Department of Transportation, napagsisilbihan nito ang abereyds na 400,000 komyuter kada araw, isang maliit na porsyento ng mga komyuter sa NCR. Ito ay dahil nasa 550 lamang na mga bus ang bahagi nito, kumpara sa 3,300 bus na gumagana bago magpandemya.

“Papasok pa lang ang taong 2023 ay pahirap na naman ang sasalubong sa ating mga kababayan. Sana ay gubyerno na lang ang magpatakbo ng Edsa Bus Carousel, panatilihing libre ito at bayaran din ng nasa tamang oras ang mga bus drivers at konduktor na nagsisilbi dito,” ayon kay Rep. Castro. “Ang kailangan ngayon ng mga komyuter ay pansamantalang alwan dahil sa sumisirit na implasyon.”

Tutol din ang Piston sa pribatisasyon na mismong ang DOTr pa ang nagtutulak. “Alam naman nating ang interes ng pribadong sektor ay kung paano magpapalaki ng kita habang pinapababa ang gastos nila sa operasyon at pasahod sa kanilang manggagawa. Kaya kapag ipinasa sa mga malalaking negosyante ang dapat ay public service gaya ng EDSA Carousel, asahan nating tataas din ang pamasahe. Lalong magiging kawawa ang ating mga komyuter,” ayon kay Mody Floranda, tagapangulo ng grupo, sa isang pahayag noong Disyembre 29, 2022.

Idiniin nina Castro at Floranda ang pangangailangan ng pagbubuo ng mas mahusay, accessible at abot-kayang moda ng transportasyong pangmasa para sa buong bansa, at di lamang sa EDSA. Ang mga mayor na solusyon at pagpapaunlad sa transportasyong pangmasa ay magagawa lamang sa pamamagitan ng responsableng pagmamay-ari ng estado sa mga pampublikong yutilidad, ayon sa Piston.

Tulad ng inaasahan, mga negosyante, kabilang ang mga American Chamber of Commerce of the Philippines, ang pangunahing nagtutulak na isapribado ang libreng sakay para pagkakitaan ito. Lagi’t laging neoliberal na pribatisasyon ang solusyon ng mga ito sa kabila nang paulit-ulit nang napatunayang di nagiging episyente o mas mahusay ang isang serbisyo na pinatatakbo ng pribadong sektor, taliwas sa mga tagapagtaguyod ng ganitong patakaran.

AB: Pribatisasyon ng EDSA bus carousel, tinutulan