2 aktibista sa Cebu, dinukot at pinakawalan
Napilitang pakawalan ng mga pwersa ng estado ang dalawang aktibistang Cebuano noong Enero 16 matapos lumakas ang panawagang ilitaw sila. Pwersahang isinakay sa isang van ng mga nagpakilalang pulis sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha sa daungan ng Cebu noong tanghali ng Enero 10 sa gitna ng maraming nakasaksi. Dinala sila sa isang safehouse kung saan ipinailalim sila sa sikolohikal na tortyur. Inilitaw sila noong Enero 16 sa isang resort sa bayan ng Carmen matapos maglabas ang pamilya ng mga larawan ng pagdukot sa kanila.
Si Gumanao ay koordineytor ng Alliance of Concerned Teachers para sa Rehiyon 7 habang si Dayoha ay boluntir para sa balangay ng Alliance of Health Workers sa Cebu. Ang dalawa ay kapwa gradweyt ng University of the Philippines-Cebu.
Sa isang bidyo na kuha ng isang saksi, makikita ang sapilitang pagsasakay sa dalawa sa isang kulay abo na SUV na naka-parada sa mismong daungan ng barko na bawal sa mga pribadong sasakyan. Bago lumitaw ang bidyo na ito, itinanggi ng mga upisyal ng daungan, pulis at tauhan ng barkong sinakyan nila na nagkaroon ng “insidente ng pagdukot” sa lugar sa araw na iyon. Panawagan ng pamilya at mga grupo ng karapatang-tao ang independyenteng imbestigasyon kaugnay ng pagdukot hindi lamang sa mga pulis, kundi pati sa daungan at mga tauhan sa pyer.
Pagpatay. Sa katabing isla ng Negros, dalawang magsasaka ang pinatay at isa ang tinangkang patayin ng militar sa nakaraang dalawang linggo. Tulad sa ibang kaso, pinalabas nitong napaslang sila sa mga engkwentro sa mga yunit ng BHB.
Sa Guihulngan City, pinatay ng mga sundalo ng 62nd IB si Orlando Fat sa Sityo Banderahan, Barangay Trinidad noong Enero 10. Tinangka namang patayin si Rodrigo Pasinabo sa Sityo Cambaogon noong Enero 15.
Ang mga ito ay bahagi ng malaking operasyong kombat ng 62nd IB sa mga barangay na nasa bawndari ng Guihulngan City, Canlaon City at bayan ng Moises Padilla.
Sa Himamaylan City, pinaslang ng mga sundalo ng 94th IB ang 49-anyos na magsasakang si Jose Gonzalez sa Purok Maliko-liko, Sityo Cunalom, Barangay Carabalan noong Enero 9.