Magbalik-aral sa teorya at kasaysayan para isulong ang praktika ng rebolusyon
Buong sigla ngayong isinusulong sa buong rebolusyonaryong kilusan ang isang malawak na kilusang pagbabalik-aral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at mga batayang prinsipyo ng Partido. Puno ng sigasig ang mga komite at kadre ng Partido, gayundin ang mga kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga aktibista sa kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran, sa isinasagawang pagbabalik-aral sa teorya at mga prinsipyo bilang sandata para sa pagrerebolusyon.
Nasa sentro ng kilusang pagbabalik-aral na ito ang mga sulatin at turo na iniwan ni Ka Joma (Jose Maria Sison), dinadakilang guro ng rebolusyong Pilipino, na nanguna noon sa paglatag ng mga saligang prinsipyo, patakaran, estratehiya at mga taktika ng Partido sa pagsulong ng dalawang-yugtong rebolusyon sa Pilipinas.
Kabilang sa puspusang binabalik-aral ng mga kasama ang napakahahalagang dokumentong binuo sa pangunguna ni Ka Joma kabilang ang: Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Itatag ang Partido, Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin, Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan, Muling Pagtibayin ang Ating Saligang mga Prinsipyo at Iwasto ang mga Pagkakamali, at ang Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo.
Puno ng sigla na nirerepaso ng mga kasama maging ang iba pang mga libro at akda ni Ka Joma tulad ng Makibaka para sa Pambansang Demokrasya at Lipunan at Rebolusyong Pilipino. Ang mga librong ito ay klasikong mga sulatin na nananatiling lapat sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas na inaapi ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Pinag-aaralan ang mga ito kaakibat ng mga klasikong sulatin ng mga dakilang gurong komunista tulad nila Marx, Engels, Lenin, Stalin, Mao at Ho. Inilalahad ng mga ito ang unibersal na katotohanan tungkol sa kasaysayan ng maka-uring tunggalian at ang pangangailangan para sa rebolusyonaryong pagbabago para wakasan ang pagsasamantala at pang-aapi.
Ang bumubwelong kilusang pag-aaral na ito ay ibinunsod ng panawagan ng sentral na pamunuan ng Partido na gamitin ang iniwang kabang-yaman ng mga turo ni Ka Joma bilang gabay sa pagsulong ng rebolusyon. Bahagi rin ito ng panawagan na lagumin ang mga karanasan sa nagdaang lima at 25 taon, at tukuyin at iwaksi ang mga suhetibistang pagkakamali na nagbunsod ng mga pinsala o naging balakid sa pagsulong sa iba’t ibang larangan ng gawain, at komprehensibong isulong ang rebolusyonaryong kilusan.
Sa diwa ng “walang rebolusyon kung walang rebolusyonaryong teorya,” ginagamit ngayon ng mga kadre ng Partido ang Marxismo-Leninismo-Maoismo at ang mga turo ni Ka Joma para magtasa at maglagom sa kanilang mga praktikal na karanasan, upang buuin ang determinasyon na iwasto ang mga ito at pangibabawan ang mga naging kahinaan at pagkakamali. Nagbabalik-aral sila sa kasaysayan upang humalaw ng mga positibo at negatibong aral, palakasin ang mga wastong praktika at iwasang ulitin ang dati nang mga pagkakamali.
Susi ang kilusang pag-aaral na ito sa konsolidasyon ng Partido. Kailangan ang puspusang pagpapatatag para maisabalikat nito ang mabibigat na tungkulin sa pamumuno.
Ang kilusang pag-aaral ay bahagi ng pangkalahatang pagsisikap na itaas ang kaalamang teoretikal at pahigpitin ang gagap ng lahat ng kadre at mga aktibista sa mga prinsipyo at ideolohiya ng Partido, bilang gabay sa pagsusulong ng kanilang rebolusyonaryong praktika. Itinataas nito ang militansya at determinasyon ng Partido at ng masang Pilipino na lumaban sa gitna ng labis na brutal na panunupil ng reaksyunaryong estado.
Puspusan ngayon ang pagsisikap ng mga komite ng Partido na pagtapusin ang mga kadre at kasapi sa 3-antas na Kurso ng Partido. Mas saligan pa, ang mga hindi nakapagbabasa ay tinuturuang magbasa sa pamamagitan ng mga programang pang-literasi. Sa pamamagitan ng mga pagsisikap na ito, tuluy-tuloy na itinataas ng Partido ang kakayahan ng mga kadre at kasapi ng Partido na pamunuan ang iba’t ibang larangan ng gawain sa iba’t ibang antas. Sinasanay din nito ang mga bagong salinlahi ng mga komunistang lider at mandirigma.
Ginagamit ang Marxista-Leninista-Maoistang kaalaman at paraan ng pagsusuri para magsaliksik sa kongkretong kalagayan, sa mga suliranin at kagyat na kahilingan ng masang Pilipino. Binibigyang-linaw nito na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mababang sahod, kawalang lupa, at iba’t ibang problema ng masa sa araw-araw ay nakaugat sa pamalagian at lumulubhang krisis ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal. Ipinakikita na ang pagdurusa at paghihirap ng mga manggagawa at masang anakpawis sa Pilipinas ay katulad sa esensya sa dinaranas ng masang api at pinagsasamantalahan ng monopolyong kapitalismo sa ibang panig ng mundo.
Pinatitibay ang determinasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa na itaguyod ang linyang masa, at ubos-kayang kumilos para pukawin, organisahin at pakilusin ang milyun-milyong mga manggagawa, magsasaka at lahat ng api at pinagsasamantalahang uri at sektor. Ang kilusang pag-aaral na ito ay nagpapataas sa sigasig ng mga rebolusyonaryong pwersa at mga aktibista na magpropaganda sa mga pabrika, mga paaralan, baryo at iba pang lugar upang himukin ang masa na magbuklod at itaas ang tapang at determinasyon na bagtasin ang landas ng sama-samang paglaban para ihayag ang kanilang mga hinaing at isulong ang kanilang mga interes.
Sa kanayunan, ang kilusang pag-aaral na ito ay ibayong nagpapasigla sa mga Pulang mandirigma na ubos-kayang pahigpitin ang pagkakaisa ng masa at ng kanilang hukbo, palawakin at palakasin ang mga larangang gerilya, labanan ang terorismo ng estado, at buong-giting na isulong ang pakikidigmang gerilya.
Sa pamamagitan ng kilusang pag-aaral, ginagabayan at tinuturuan ng Partido ang BHB upang ibayong pasiglahin ang malawak at maigting na pakikidigmang gerilya na nakabase sa papalawak at papalalim na baseng masa, at hakbang-hakbang na palakasin ang BHB mula sa maliit at mahina tungo sa malaki at malakas na hukbo ng mamamayan.
Buong lakas na nagpupunyagi ang mga mandirigma at aktibista na pakilusin ang masang magsasaka para ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at iba pa nilang mga kahingian sa gitna ng krisis at delubyong hatid ng rehimeng Marcos. Pinalalawak at pinatatatag ang mga organisasyong masa at ipinupunla ang binhi ng demokratikong gubyernong bayan. Kaakibat nito, ikinakasa ang mga taktikal na opensiba para baha-bahaging lipulin ang kaaway, kunin ang kanyang mga sandata, at antas-antas na palakasin ang BHB.
Sa loob ng kasalukuyang taon, inaasahan natin na ang kilusang pag-aaral na ito ay magbubunga ng matatag na pagsulong ng buong rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan at kalunsuran at pagsigla ng mga pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.