Nagtataasang presyo ng pagkain, batayang serbisyo

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Magkasabay na delubyo ng sumisirit na presyo ng batayang mga bilihin at serbisyong panlipunan at walang tigil na pag-ulan at pagbaha ang sumalubong sa mamamayang Pilipino sa pagpasok ng 2023. Sa harap nito, walang solusyon ang rehimeng Marcos sa tumitinding krisis sa kabuhayan liban sa pakitang-taong mga hakbang.

Nagtataasang presyo ng pagkain

Nananatiling nakapako sa ₱400-₱550 ang kilo ng sibuyas sa pamilihan dahil sa pagtatago, pagmanipula sa suplay at labis-labis na pagpepresyo ng mga kartel sa agrikultura. Dagok sa konsyumer ang napakataas na presyo habang nananatiling luhaan at lubog sa utang ang mga magsasaka ng sibuyas dahil sa pagkalugi.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, umabot lamang sa ₱30 kada kilo ang farmgate price ng sibuyas noong nakaraang taon sa Nueva Ecija. Sa kabilang banda, gumagastos ang magsasaka ng ₱150,000 kada siklo ng pagtatanim. Sa Occidental Mindoro, sumadsad pa ito sa ₱8-15 kada kilo.

Ibinahagi ni Merlita Gallardo, asawa ng isang magsasaka ng sibuyas sa Pangasinan, nagpatiwakal ang kanyang asawa noong 2021 dahil sa pagkalugi. Liban kay Gallardo, may apat pang ibang magsisibuyas ang nagpatiwakal.

Mapait pa rin ang kape dahil sa nananatiling napakataas na presyo ng asukal. Ang nirepinang asukal ay nasa ₱90 hanggang ₱110 kada kilo habang ₱80 hanggang ₱96 ang brown sugar. Tumaas ito nang halos ₱10-15 kumpara sa huling kwarto ng 2022.

Tulad sa nagdaang mga rehimen, importasyon ang solusyon ni Marcos sa krisis sa pagkain. Noong Enero 10, pinahintulutan niya ang pag-angkat ng 17,100 metriko toneladang pulang sibuyas at 3,960 metriko toneladang puting sibuyas. Ito ay sa kabila ng mag-aanihan na ng lokal na sibuyas sa Pebrero.

Samantala, nagbabalak ang gubyerno na mag-import ng hanggang 450,000 metriko tonelada ng asukal ngayong taon sa tabing ng pag-ampat sa sumisirit na presyo.

Isiniwalat kamakailan ng mga prodyuser ng itlog na tuluy-tuloy pang tataas ang presyo ng itlog sa merkado ngayong taon. Nasa ₱9-₱10 na ngayon ang karaniwang presyo ng katamtamang-laking itlog, mula sa ₱6.90-₱8.50 noong Disyembre 2022. Gayunpaman, marami nang palengke ang nagbebenta ng regular na laking itlog nang ₱10 kada piraso.

Isa sa itinuturong dahilan ng mga prodyuser ang pagbwelo ng bird flu na hanggang ngayon ay hindi inaatupag ng Department of Agriculture. Ayon sa datos ng Bureau of Animal Industry, apektado ng pandemyang ito ang 20 prubinsya sa walong rehiyon. Nagresulta ito sa pagkatay sa 1.8 milyong manok na apektado.

Liban dito, may banta rin ng pagtaas nang ₱2 kada kilo sa presyo ng bigas sa darating na mga buwan. Inaasahan din ang pagtaas ng presyo ng tinapay dahil sa tumataas na presyo ng itlog at ibang sangkap.

Gasolina, kuryente, tubig at pamasahe

Ngayong Enero, nagtaas na ng netong ₱3.1/litro ang presyo ng gasolina habang ₱0.8/litro ang sa kerosene. Hinila nito tungong abereyds na ₱70 kada litro ang gasolina.

Inianunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong buwan na tataas ang singil nito sa kuryente ng ₱0.62 kada kilowatt-hour (kWh). Maniningil na ito ng ₱10.9 kada kWh ngayong buwan. Sa regular na konsumo ng isang pamilyang Pilipino na 200 kWh, nangangahulugan ito ng dagdag na ₱125.

Samantala, sisimulan nang kunin ngayong Enero ang dagdag-singil sa yutilidad na tubig sa Metro Manila na ₱8.04 kada metro kubiko para sa mga naka-kunekta sa Manila Water habang ₱3.29 kada metro kubiko ang sa Maynilad.

May pangamba ring itataas ang pamasahe sa LRT ngayong taon. Maaari itong dagdagan ng ₱2.29 para sa pagsakay at ₱0.21 sa mga kasunod na kilometro. Ang dating pasahe na ₱13 ay maaaring maging ₱15 habang ang mas malalayong byahe na nagkakahalaga ng ₱15 ay magiging ₱20. Itataas ang singil sa pasahe kada dalawang taon sang-ayon sa kontrata ng pribadong mga kumpanyang nagmamay-ari sa tren at gubyerno.

Samantala, nakatakdang itaas ang presyo ng liquified petroleum gas (LPG) sa darating na Pebrero.

Nagtataasang presyo ng pagkain, batayang serbisyo