Naval Station Carlito Cunanan: base militar ng US sa Palawan

,

Ang Naval Station Carlito Cunanan (NSCC) ay isa sa dalawang base militar ng US sa Palawan sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement ng US at Pilipinas. Itinayo ito sa ilalim ng rehimeng Aquino II bilang bahagi ng pagtitiyak ng US sa kontrol sa karagatan ng Indo-Pacific. Parte ito ng tinatawag na “first island chain” (Japan, Taiwan, Pilipinas, Borneo, at iba pa) laban sa China. Matatagpuan ang NSCC sa Oyster Bay, bahagi ng Ulugan Bay sa Puerto Princesa City.

Ang naturang base militar ay lihim na pinaunlad at pinagkagastusan ng AFP na may suporta ng US upang maging “mini-Subic” para pagsilbihin sa mga sundalong Amerikano at maging istasyon ng mga barkong pandigma ng imperyalismong US. Tinatayang 160 kilometro ang layo nito sa Spratly Islands kung saan nakapusisyon ang mga pasilidad-militar ng China.

Nang itinayo ang NSCC sa Ulugan Bay, winasak nito ang kalikasan at naghatid ng polusyon sa kapaligiran. Sinagasaan ng mga itinayong imprastruktura at pasilidad-militar ng US ang mayaman at protektadong bakawanan at mga bahura. Walang permit mula sa Community Environment and Natural Resources (CENRO) ang ginawang pagpuputol sa mga puno sa lugar gayong protektadong erya ang look.

Matindi ang epekto nito sa buhay, kabuhayan at ari-arian ng nasa 1,700 residente ng Barangay Macarascas, isa sa limang baryong nakapalibot sa Ulugan Bay. Malawakang pinalayas ang mga residenteng naninirahan sa lugar matapos idemolis ang higit sa 100 tirahan upang bigyang-daan ang base militar. Nawalan ng lugar para sa hanapbuhay ang mga mangingisda dahil ang buong Ulugan Bay ay naging bahagi ng daungan ng malalaking barkong pandigma ng US. Binabaril ng mismong mga sundalong Pilipino ang bangka ng mga mangingisdang mapapalapit sa look.

Nagdulot ang base militar ng mga pag-abuso sa mamamayang Palaweño. Lumobo ang mga kasong pandarahas, pang-aabuso sa mga kababaihan at bata at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao ng mga mersenaryong sundalong Amerikano at AFP. Lumaganap ang prostitusyon at sex trafficking matapos itayo ang hilera ng mga bar o bahay-aliwan sa Puerto Princesa upang magsilbi sa mga sundalong Amerikano. May mga ulat na may isang van na naglalaman ng mga kababaihan na ipinasok sa mismong sayt kung saan naroon ang NSCC.
________
Hinalaw mula sa Ang Pulang Larangan, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Palawan.

Naval Station Carlito Cunanan: base militar ng US sa Palawan