Koresponsal Mula kwarantina tungong kanayunan
Ang sumusunod ay kwento ng isang myembro ng Kabataang Makabayan na nakiisa sa pagdiriwang ng Partido sa ika-54 anibersaryo nito sa isa sa mga larangang gerilya ng hukbong bayan.
Pagtapos ng Pasko, agad akong naghanda ng mga gamit na kinakailangan para sa aming pagbisita. Pinangingibabawan ng pananabik ang aking kaba sa mga bagay na di ko alam. Dalawang taon na rin akong kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) pero dahil sa ipinataw na mahihigpit na lockdown sa tabing ng pandemyang Covid-19, ito ang unang pagkakataong masasaksihan ko ang mga kwentong dati ay naririnig ko lamang.
Tila saglit lamang ang byahe. Pagsapit ng gabi, narating namin ang sityo kung saan kami susunduin. Kabado kong hawak ang aking bag habang nakatingin sa padilim nang padilim na daan na aming tatahakin. Di kalauna’y nagsimula na kami sa paglalakad. Mabilis ang naging tibok ng aking puso sa paglalakbay sa lugar na hindi ako pamilyar.
Ilang sandali pa ay sumukal lalo ang daan—madilim, maputik at mabato. Sa totoo lang, matagal ko nang iniisip na hindi ko kaya maglakad sa putikan. Bilang petiburges na lumaki sa kalunsuran, maarte ako at ayokong nadudumihan. Hindi rin ako sanay maglakad sa mga mababatong lugar o kahit sa mismong paglalakad. Ayokong napapagod at pinagpapawisan.
Sa kabila nito, puno ng pasensya akong tinulungan ng mga kasama. Agaran nilang iniaabot ang kanilang kamay sa saglit na humingi ako ng tulong. Dito ko napagtanto kung gaano kabuti ng ating mga mandirigma, handa silang tumulong matiyak lamang ang aming kaligtasan. Naalala ko tuloy noong ibinahagi ko noon na wala akong perspektiba na pumunta sa kanayunan—tingin ko kasi hindi ko kayang mabuhay dito. Tugon sa akin ng kalakhan: “magtiwala sa mga kasamang aalalay sa ‘yo.”
Madaling araw na nang nakarating kami sa kanilang pwesto. Pagdating ay pinagpahinga kami sa aming tutulugan. Nahirapan akong magrelaks sa simula pero kalauna’y nakatulog din dala na rin ng pagod. Maya’t maya lamang ay nagising ako sa ingay ng mga kasama na abalang naghahanda. Nasilayan ko ang paligid na maaliwalas. Sariwa ang simoy ng hangin. Paglingon ko, nakita ang mga mandirigma na nagpupulong. Una kong naisip, “ang angas nilang tingnan, para silang mga bida sa anime na napapanood ko.”
Ang mga sumunod na oras ay puno ng kwentuhan at tawanan. Unti-unti kaming nagkakilanlan ng mga kasama. Sa kwentuhan, natutunan ko ang mga sakripisyo at kinakailangang pagpupursige sa larangang pinili nilang tahakin.
Pagdating sa lugar kung saan ilulunsad ang selebrasyon, tumambad sa amin ang mga gawang obra ng mga kasama. Sa gitna ay makikita ang isang pinta kung saan nakasulat ang tema na: “Konsolidahin at ibayong patatagin ang Partido! Biguin ang kontra-rebolusyonaryong digma at terorismo ng estado ng rehimeng US-Marcos! Komprehensibong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!” At sa magkabilang gilid ay may pulang watawat ng Partido. Sa tabi nito ay mayroong karit at maso na nakaukit sa lupa. Simbolo ito ng pagpupugay sa dakilang guro at tagapaglingkod ng masang Pilipino na si Jose Maria “Ka Joma” Sison.
Pagsapit ng tanghali ay nagsimula na ang programa. Unang umawit ng “Internationale.” Manghang-mangha akong tumitingin sa lahat. Aking winawari na sa tagumpay, mas marami pang Pilipino ang sabay-sabay na aawit ng kantang ito. Nag-alay ng mga pangkulturang pagtatanghal ang mga kasamang mandirigma. Di ko inaakalang ganoon sila kahusay. Hindi lamang sila mga mandirigma, sila rin ay mga artista ng bayan! Magiliw na nakipagsabayan ang kabataan sa mga pagtatanghal. Bakas sa mga mukha ng mga panauhin ang kanilang tuwa.
Kinagabihan ay naghanda na kami sa aming pag-alis. Sa saglit na panahon ng pananatili namin ay nagawa ko agad makabuo ng natatanging ugnayan sa mga kasamang mandirigma at masang nakasalamuha namin. Umuwi ako nang walang pagsisisi. Dito ko lalong napagtibay ang aking mga perspektiba—na tama ang landas na aking tinatahak. Sa ilang araw ko sa kanayunan, maraming kwento at aral ang aking bitbit pauwi.
Naging mas madali ang paglalakad pabalik, wari’y nakabisa ko na sa maikling panahon ang daan at pamamaraan sa paglalakbay. Sa paggaan ng byahe pauwi, batid ko ang bigat ng mga tungkulin at gawain na kinakailangan para sa pagtatagumpay ng rebolusyon. Hindi maalis sa aking isip ang mga katagang binanggit sa kalagitnaan ng programa. “Namumundok tayo kasi dito higit kailangan ng paglilingkod sa masa.” Ngayon, mas malinaw sa akin ang aktwal na itsura ng armadong pakikibaka, mas matibay ang mga batayan para sa pagpapatuloy ng laban at pagpapatibay ng ating hanay—pagsanib sa mga pakikibaka ng masang anakpawis at pagsisilbi sa masang api.