Inilalapit ng LAB ang digmang bayan sa mga siyentista at inhinyero

,

Ipinagdiwang ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) ang ika-49 anibersaryo nito noong Disyembre 2024. Sa isang sikretong pagtitipon sa National Capital Region, aabot sa 50 kasapi nito ang nagsama-sama para sabayang ipagdiwang ang kanilang anibersaryo at ang ika-56 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Binalikan nila at ipinagdiwang ang iba’t ibang tagumpay na nakamit ng mga balangay nito at naranasang pagsubok sa taong 2024, laluna sa panahon ng unang taon ng kilusang pagwawasto. Pinarangalan din ng LAB ang lahat ng mga rebolusyonaryong martir mula sa sektor ng agham at teknolohiya na nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan at sa rebolusyon.

“Naging tampok ang mga tagumpay sa mga kampanya, sa muling pagsibol ng pag-oorganisa sa hanay ng batayang masa, at sa pagpapaunlad ng suporta para sa Bagong Hukbong Bayan (BHB),” ayon sa ulat ng Agham Bayan, pahayagan ng LAB. Sa kabila nito, ipinahayag nila na malaki pa ang kailangang pangibabawang mga kahinaan kabilang ang konserbatismo sa pagrerekrut ng bagong mga kasapi.

Ayon sa editoryal ng Agham Bayan, “dapat malinaw sa atin, bilang mga rebolusyonaryo, na ang pangunahing layunin natin sa paglulunsad ng kampanya ay ang pagtugon sa interes ng masa at pagpaparami at pagpapalakas ng ating rebolusyonaryong pwersa.” Ngayong 2025, isinaad ng LAB na tuluy-tuloy nitong itataguyod ang mga tungkulin para makatulong sa pagsusulong at pagpapalakas ng rebolusyong Pilipino.

Dagdag pa ng LAB, ipinakita nito sa kanila na posibleng gampanan ng isang siyentista ang rebolusyonaryong tungkulin na isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba, sa mga laboratoryo at silid-aralan ng kalunsuran hanggang sa armadong pakikibaka sa kanayunan.

“Itutuluy-tuloy ng mga rebolusyonaryong siyentista, inhinyero, propesyunal, at estudyante ang kilusang pagwawasto para makamit ang ibayong tagumpay,” anito. Maghahanda rin ang LAB para sa ginintuang anibersaryo nito sa Disyembre.

Biyolohista sa hukbong bayan

Isa si Ka Jerry sa mga rebolusyonaryong siyentistang tumugon sa panawagang makipamuhay sa BHB. Lumubog siya sa isang yunit ng hukbong bayan sa Luzon. “Para sa akin bilang isang biyolohista, isang malaking oportunidad ang pagiging Pulang mandirigma para palalimin ang ating kaalaman sa saribuhay o biodiversity ng ating bansa,” pagkukwento niya.

Mula sa mga lugar na tinutuluyan, hanggang sa kinakain, araw-araw nakakasalamuha ng Pulang mandirigma ang kalikasan. Karaniwang nasa kagubatan at kabundukan ang mga yunit ng BHB. Minsan naman ay sa mga patag na erya. Bagamat iba’t iba ang kalagayan ng mga gubat, bundok, at kapatagan, sa lahat ng pagkakataon tila mga “field researcher” ang mga Pulang mandirigma sa kanilang paglubog sa kalikasan.

Aniya, “sa araw-araw na gawain namin sa yunit, nakikita namin ang samu’t saring species—halaman, kabute, insekto, ibon, at iba pa.” Madalas din umanong nakakakita ang yunit ng mga endemiko o katutubong halaman o hayop kagaya ng jade vine, corpse flower, hornbill o kalaw, at marami pang iba. “Maraming beses din na napunta ang yunit sa mga lugar na posibleng hindi pa pisikal na napupuntahan ng mga siyentista, maski sinuman—malay natin, baka makatuklas tayo ng mga bagong species sa mga lugar na ito.”

Nakatutulong din umano ang pagiging maalam sa saribuhay para sa pangangailangan sa pagkain ng hukbong bayan at ng masa. “Iba’t ibang species ang pinapakinabangan namin sa gawaing produksyon. Lalo na sa mga gipit na sitwasyon sa mga lugar na malayo sa komunidad, maaasahang pagkukunan ng pagkain ang saribuhay ng kagubatan,” kwento niya. Nagpapatupad rin ang yunit ng BHB ng mga patakaran para iwasan ang panghuhuli sa mga itinuturing na endangered species o uri ng hayop na nanganganib nang mawala.

“Maraming posibleng matutunan at matuklasan tungkol sa saribuhay ng ating bansa, sa konteksto ng paglahok natin sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa sambayanang Pilipino,” aniya. Dagdag pa ni Ka Jerry ay paalala rin ang kayamanang ito para sa kanya kung bakit kailangang lumahok sa digmang bayan—para protektahan ang kalikasan at sambayanan sa pandarambong ng mga imperyalista at lokal na naghaharing-uri.

Inilalapit ng LAB ang digmang bayan sa mga siyentista at inhinyero