Editoryal

Palakasin ang hukbong bayan sa paglaban sa pasismo ng rehimeng US-Marcos

, ,

Sa susunod na mga buwan at darating na taon, puspusan at sistematiko nating palawakin at palakasin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) bilang bisig ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa pasistang paghahari ng rehimeng US-Marcos. Sa harap ng papalubhang pang-aapi sa taumbayan, papatinding pampulitikang panunupil at lumiliiit na puwang para sa demokratikong pagpapahayag at pagkilos, lumalaki ang pangangailangang hawanin ang landas ng armadong pakikibaka.

Ipinataw ni Marcos ang hindi deklaradong batas militar sa libong mga baryo sa buong bansa upang gupuin ang paglaban ng masang nagtatanggol sa kanilang buhay at kabuhayan. Binibigyang-daan ng mga armadong tropa ni Marcos ang mapandambong at mapangwasak na operasyong komprador ng mga korporasyon sa pagmimina at mga plantasyon. Kaliwa’t kanan ang mga kaso ng pagpatay, paninindak, iligal na pag-aresto at pagkukulong laban sa masang magsasaka at minorya na naninindigan at lumalaban.

Maging sa kalunsuran, walang lubay ang pagmamanman at panggigipit sa taumbayang organisadong nagtatanggol sa kanilang kagalingan. Pinupuntirya ni Marcos, laluna, ang mga manggagawa, mga mala-manggagawa, mga kabataan-estudyante at iba pang sektor na nagbubuklod sa layuning isulong ang mga demokratikong kahingian. Binubusalan sila upang supilin ang kanilang sigaw para itaas ang sahod, ibaba ang presyo, disenteng trabaho, sapat na badyet para sa edukasyon at mga serbisyong panlipunan.

Sa nagdaang mahigit nang pitong taon, daan-daang bilyong pisong pondo ng taumbayan ang ibinuhos at winaldas ng reaksyunaryong estado sa gera ng pagsupil sa pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang demokrasya. Imbing pakay nitong gapiin ang BHB bilang sandata ng demokratikong kapangyarihang bayan, at pagkatapos, asintahin at supilin ang organisadong hanay ng bayan. Pinakalayunin nito na walang sagkang makapaghari ang reaksyunaryong kapangyarihan sa bansa, at walang hadlang na makapagkamal ng yaman sa pandarambong at pagsasamantala ang mga imperyalista, malalaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa.

Bunga ng panloob na mga pagkakamali na sanhi ng naging mga kahinaan sa pagharap sa todong-atake ng kaaway, dumanas ng seryosong pinsala ang iba’t ibang mga yunit ng BHB. Napapanahong ipinanawagan ng Partido ang kilusang pagwawasto noong katapusan ng 2023 upang ituwid ang nagdaang mga pagkakamali sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan, kabilang ang iba’t ibang aspeto ng digmang bayan, upang ipihit ang hukbong bayan mula sa pag-atras tungo sa muling pag-abante.

Sa gabay at inspirasyon ng kilusang pagwawasto, nagpupunyagi ang mga Pulang mandirigma ng BHB sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan. Bigo ang deklaradong layunin ng rehimeng US-Marcos na durugin ang armadong rebolusyon sa katapusan ng nakaraang taon. Patuloy ngayon ang BHB sa pagpapalapad at pagpapalalim ng baseng masa, sa pagpapalakas ng mga pakikibakang masang antipyudal at antipasista, at sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga pusakal na pasistang tauhan ni Marcos.

Sa pagsulong ng kilusang pagwawasto, dapat mahigpit na panghawakan ng lahat ng kadre at rebolusyonaryong pwersa ang armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka, habang sekundarya ang hayag na kilusang masa at ibang anyo ng pakikibaka, sa pagtupad ng sentral na tungkuling ibagsak ang neokolonyal na estado ng mga burges komprador at panginoong maylupa. Dapat patatagin ng lahat ng kasapi ng Partido ang kahandaang humawak ng armas at lumahok sa armadong pakikibaka.

Dapat puspusang mag-ambag ang mga rebolusyonaryong pwersa sa kalunsuran sa kumprehensibong pagsulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan. Hawanin natin ang malapad na landas para sa pagmartsa ng wala pang kaparis na bilang ng mga manggagawa, malamanggagawa at petiburges na intelektwal mula sa kalunsuran o maging sa ibayong dagat, tungo sa daan ng armadong pakikibaka. Kailangan ng BHB ng mga kadreng manggagawa at intelektwal upang magsilbing mga Pulang mandirigma, kumander at upisyal sa pulitika ng BHB, habang binabagtas nito ang landas ng muling pagsulong.

Upang makamit ito, kailangang puspusang palawakin at palakasin ang kilusang masa sa kalunsuran, isulong ang mga pakikibakang masa, palakasin ang mga organisasyong masa, kabilang ang mga lihim na organisasyong masa at itaas ang rebolusyonaryong kamulatan ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kalunsuran.

Sa atas ng Partido, buong taon na binubuksan ang pinto para sa integrasyon at rekrutment sa hukbong bayan, liban pa tuwing mga anibersaryo ng Partido, BHB o NDFP. Ang mga yunit ng BHB ay nakahandang tumanggap ng pangkat-pangkat na mga aktibista at kadre mula sa kalunsuran para makipamuhay sa mga Pulang mandirigma, sumailalim sa mga pagsasanay sa pulitiko-militar, lumahok sa mga pag-aaral, produksyon o mga pangkulturang aktibidad, maglingkod sa masang magsasaka, maging dentista, medik o guro ng masa, makiisa sa kampanyang antipyudal, at mag-ambag sa pagpupundar ng Pulang kapangyarihan ng demokratikong gubyernong bayan.

Katulad na may plano ang mga sangay at seksyon ng Partido sa kanayunan, dapat bumuo ang mga komite at sangay ng Partido at rebolusyonaryong organisasyong masa sa kalunsuran at kabayanan ng isang taong plano para isaayos ang programa sa grupu-grupong integrasyon o pagsapi sa hukbong bayan.

Isagawa ang kampanya ng pag-aaral tungkol sa armadong pakikibaka bilang pangunahing sandata ng paglaban at tungkol sa disiplina ng BHB. Palaganapin ang pag-aaral sa nagpapatuloy na kasaysayan ng sandatahang paglaban ng sambayanang Pilipino para sa pambansang paglaya. Humalaw ng inspirasyon sa talambuhay ng mga rebolusyonaryong bayani, na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang talino at buhay sa sambayanan.

Kasabay nito, dapat palakasin ang kampanya ng pagkalap ng lahat ng anyo ng suporta para sa hukbong bayan, mula sa pinansya at pagkain, hanggang sa mga sandatang pandigma, pati na sa pag-aalaga sa mga nagpapagamot at nagpapagaling.

Kailangan patatagin ang isip at katawan ng mga kadre at aktibista na makikisalamuha o ganap na sasapi sa hukbong bayan, laluna sa harap ng todong pasistang atake ng kaaway. Wika nga ni Mao, hindi piging ang rebolusyon. Subalit sa kanlungan ng masa, araw-araw na busog ang mga Pulang mandirigma sa aruga at pagmamahal ng masa.

Palakasin ang hukbong bayan sa paglaban sa pasismo ng rehimeng US-Marcos