Sa tulak ng taumbayan, impeachment kay Sara Duterte, tuluyang isinampa
Noong Pebrero 5, pumirma ang hindi bababa sa 215 kongresista sa kasong impeachment o asunto kontra kay bise presidente Sara Duterte para patalsikin ito sa pwesto. Itinuloy ang kasong impeachment kontra kay Duterte matapos ang halos dalawang buwang pagbalam dito ng rehimeng Marcos. Pinangunahan mismo ng anak ng presidente na si Ferdinand Marcos na si Sandro Marcos ang pag-endorso sa pang-apat na reklamo.
Isinampa ang impeachment sa huling araw ng regular na sesyon ng Kongreso. Bago nito, tatlong impeachment complaint na ang isinampa sa Kongreso. Ang pangalawa rito ay inihapag ng mga progresibong organisasyon at indibidwal at inendorso ng Koalisyong Makabayan.
May pitong artikulo ang pang-apat na reklamong impeachment. Pangunahin dito ang “pakikipagsapakatan para patayin si Marcos, kanyang asawang si Liza Araneta at ang House Speaker Martin Romualdez.” Ginawa ni Duterte ang banta noong Nobyembre 23, 2024 sa gitna ng pagdinig ng anomalya sa paggastos niya ng confidential funds na inilaan sa kanyang upisina.
Ang iba pang batayan ay ang: korapsyon sa ₱615.5 milyon sa confidential funds; panunuhol at korapsyon sa Department of Education; di maipaliwanag na yaman at kabiguang isiwalat ang kanyang mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth; pagkakasangkot sa ekstra-hudisyal na pamamaslang sa Davao City, mga maniobrang destabilisasyon, kabilang ang pagboykot niya sa State of the Nation Address at pagharang sa mga pagdinig sa Kongreso; at “pangkalahatang kondukta” bilang bise presidente at pangalawang pinakamataas na upisyal ng bansa.
Ang inendorsong resolusyon ay ipinadala sa Senado na siyang may tungkulin na buuin ang korte na didinig sa mga reklamo. Kung mahatulan, hindi lamang masisipa sa pwesto si Duterte, mapipigilan din siyang muling tumakbo sa anumang pusisyon sa susunod na mga eleksyon.
Ang pinakahuling kabanata ng girian ng pangkating Marcos at ng mga Duterte ay tanda ng pag-igting ng hidwaan sa pagitan nila. Ipinakikita nito ang higit pang paglalim sa pagkakahati-hati sa loob ng mga namumunong reaksyunaryong uri, kung saan nag-aagawan sa mga burukrata-kapitalistang pribilehiyo at kapangyarihan ang mga magkaribal na paksyon at pangkatin.
Mayor na hakbang ang impeachment sa pagkonsolida ng pangkating Marcos sa kapangyarihan nito sa pulitika, laluna sa loob ng militar, pulis at depensa. Kasabay nito, pinagtitibay din ni Marcos ang kanyang katapatan sa imperyalistang US sa pamamagitan ng higit pang pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa US sa mga propagandang anti-China at operasyong nabal na ikinukumpas ng US sa West Philippine Sea, sa tabing ng “pagsusulong ng soberanya ng Pilipinas.”
Malugod na tinanggap ng mga Pilipino ang impeachment ni Sara Duterte bilang unang hakbang upang panagutin ang bise presidente at alisin siya sa kanyang pwesto, bilang hakbang para parusahan siya sa kanyang mga krimen ng katiwalian. Kinakailangan pang palakasin at palawakin ng mamamayan ang kanilang mga pagkilos upang itulak ang Senado na agad na magtipon bilang korte at simulan ang paglilitis sa lalong madaling panahon.
Ang impeachment ay tagumpay ng kilusang masa na tuluy-tuloy sa pagpapalakas ng protesta para dito. Lalo nitong palalakasin ang loob at determinasyon ng mamamayan para singilin si Marcos mismo sa mas malalaking krimen ng korapsyon sa anyo ng kanyang sariling confidential funds, pork barrel sa anyong ayuda, pagkontrol sa bilyun-bilyong pondo ng Maharlika Fund at pagkuha sa “di nagastos” na pondo ng Philhealth. Dapat ding panagutin si Marcos sa pagpapabasura niya sa mga nakasampang kaso ng nakaw na yaman ng kanyang pamilya na nagkakahalaga ng hindi bababa sa ₱202 bilyon.
Sa panig ng mga progresibong grupo, tinitingnan nilang tagumpay ang impeachment ng mamamayang nakikibaka para panagutin ang mga Duterte at ang kanilang pangkat ng mga lumalabag sa karapatang-tao. Anila, sa pagtutulak at sama-samang pagkilos, paggiit, at pagbabantay ng taumbayan nakamit ang paunang hakbang sa pagpapanagot sa katiwalian. Kasabay ng panawagang hatulang nagkasala si Duterte, siningil nila ang rehimeng Marcos sa kainutilan nitong tugunan ang lumalalang korapsyon ng kanyang rehimen.
Sa araw ng botohan, nagtipon sila sa harap ng Kongreso para ipanawagan na kagyat na hatulan si Duterte. Nagkaroon ng parehong protesta sa Cabuyao, Laguna.