Pagtitipon para sa anibersaryo ng PKP, inilunsad sa Rizal
Sa mahigit na pagtuwang ng masa, naidaos ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Rizal (Narciso Antazo Aramil Command) ang pagdiriwang sa ika-56 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas sa prubinsya. Dumalo sa pagtitipon ang mga kaspai ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa mula sa sektor ng mga magsasaka, kababaihan, kabataan-estudyante, manggagawa at maralitang lungsod. Naisagawa ito sa kalagitnaan ng matinding operasyong militar sa larangang gerilya.
Sa pagtitipon, inilunsad ang pormal na pag-aaral sa pahayag ng Komite Sentral para sa anibersaryo kung saan higit 50 katao mula sa kanayunan at kalunsuran ang lumahok. Sa diwa ng kilusang pagwawasto, kritikal at mapagkumbabang tinukoy sa pag-aaral ang mga umiiral pa ring kahinaan na dapat igpawan kapwa sa kilusang masa at armadong pakikibaka.
Nagsagawa naman ng mga pangkulturang pagtatanghal ang Pulang Bandila ng BHB-Rizal at ang mga dumalong rebolusyonaryong pwersa. Tampok din sa pagdiriwang ang paglikha ng mga sining biswal ng mga mandirigma at mga rebolusyonaryong pwersa mula sa kalunsuran hinggil sa tema ng pahayag ng Partido at pagsusulong ng kilusang pagwawasto. Marami sa mga dumalo ay unang beses lamang nakapasok sa yunit ng BHB.
Matapos ang lahat, naglunsad ang yunit ng “kapehan” sa temang “ang papel ng kabataan sa kilusang pagwawasto.” Sa salitan ng pahayag at awitin mula sa mga Pulang mandirigma at rebolusyonaryong pwersa, ibinahagi ang kabuluhan ng kilusang pagwawasto at kung paano ito isinasabuhay ng bawat isa.
Ayon sa mga bisita, naging patunay ang aktibidad na walang saysay ang sinasabi ng reaksyunaryong estado na humihina na ang rebolusyonaryong kilusan. Sa pagtatapos ng programa, marami ang nagpahayag ng kagustuhang manatili upang makipamuhay sa hukbong bayan.