Matitinding pagyurak sa karapatan, naitala sa Masbate, Cagayan, Davao at iba pa
Walang-tigil ang mga paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) laban sa mamamayang Pilipino sa nagdaang mga linggo.
Pamamaril. Noong Enero 19, natamaan at nasugatan sa likod ang 61-anyos na dating barangay kagawad at magsasaka na si Marcial Detalo sa walang patumanggang pamamaril ng mga sundalo ng 2nd IB sa Sityo Balunos, Barangay Rizal, Dimasalang, Masbate. Para pagtakpan ang krimen at pagsasapanganib sa mga sibilyan, malisyosong ipinahayag sa midya ng 2nd IB na natamaan ng bala ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate si Detalo sa gitna ng pinalalabas na isang engkwentro sa lugar.
Pag-aresto. Noong Enero 27, inaresto ng mga pwersa ng estado ang 70-anyos na si Myrna Cruz-Abraham, beteranong aktibista, sa San Rafael, Bulacan. Dinakip ang biktima sa bisa ng mandamyento de aresto na inilabas ng isang korte sa Cagayan kaugnay ng mga kasong bigong pagpaslang at pagpaslang. Iniulat ng mga grupo sa karapatang-tao na nakalaya si Cruz-Abraham matapos ang walong araaw.
“Terrorism financing.” Sinampahan ng mga gawa-gawang kaso ng “pagpopondo sa terorismo” ang limang aktibista mula sa Cagayan Valley.
Kinasuhan sina Isabelo Adviento, lider magsasaka; Cita Managuelod na peasant advocate; Agnes Mesina, koordineytor ng Makabayan Cagayan Valley; Jackie Valencia, tagapagtanggol ng karapatang-tao; at si Deo Montesclaros, isang mamamahayag. Lahat sila’y matagal nang nagtataguyod sa karapatan at kagalingan ng mamamayan ng Cagayan Valley at ng mamamayang Pilipino.
Demolisyon. Sa kalagitnaan ng pagpapahinga ng mga residente, tusong lumusob noong Enero 29, alas-2 ng madaling araw, ang 200 maton at tauhan ng mangangamkam ng lupa na si Caroline Piñeda sa Dalat/Purok 47, San Roque, Bangkal, Davao City para isagawa ang demolisyon. Giniba at niransak ng mga maton ang 20 bahay sa naturang komunidad. Ang insidente ay bahagi ng serye ng demolisyon simula pa Disyembre 2024.
Sa Laguna, binatikos ng mga residente ang pagdating noong Enero 31 ng 8–10 kataong demolisyon tim sa Barangay Nueva, San Pedro, Laguna para ipatupad ang bantang demolisyon sa baybay riles. Noong Enero 7, nagbigay ng babala ang Department of Transportation sa mga lokal na sila ay palalayasin sa araw na iyon sa kabila ng kawalan ng “court order” para sa demolisyon.
Pwersahang pagpapasuko. Naitala ang panibagong serye ng militarisasyon at pwersahang “pagpaparehistro” ng Philippine Army sa mga mangingisdang kasapi ng Timek La Union sa Barangay San Manuel Norte, Agoo, La Union noong Enero 20. Naiulat ang pag-iikot ng nakasibilyan na pitong tauhan ng Philippine Army sa nabanggit na barangay sa pangunguna ng isang “Captain Fernandez.” Dala-dala ng mga sundalo ang isang listahan na naglalaman ng 30 pangalan ng mga kasalukuyan at dating kasapi ng TIMEK La Union at pinaghahanap sila para “irehistro” ang kanilang samahan.
Sa Masbate, nagtambak ng mga sundalo ang AFP sa magkakanugnog na mga barangay ng Baang, Sawmill, Barag at Mapuyo sa bayan ng Mobo, Masbate noong Enero 27 para tugisin at “pasukuin” ang sibilyan na nagngangalang Sony Diamos.