Paggamit sa AI kontra manggagawang Pilipino

,

Sa harap ng komun na hinaing, itinatag noong Enero 25 ng mga manggagawa sa BPO (business process outsourcing), telekomunikasyon, drayber na taga-deliber at iba pang trabahong pinatatakbo ng mga digital platform (o mga sistemang online) ang Coalition of Digital Employees-Artificial Intelligence o CODE-AI. Itinatag ang naturang koalisyon para kumatawan sa mga manggagawa at empleyado sa harap ng papalawak na paggamit ng mga dayuhang kumpanya ng teknolohiyang AI. Binubuo ang CODE-AI ng BIEN, Riders Watch, Gabay sa Unyon sa Telekomunikasyon Supervisors-PLDT (GUTS-PLDT), Digital Justice, Computer Professionals Union, May Day Multimedia, Ecumenical Institute for Labor Education and Research.

Ayon sa isang pag-aaral, 36% o 8.5 milyon trabaho sa Pilipinas ang apektado ng paggamit ng AI. Tatlong milyon dito ay mga trabahong klerikal, higit 2.5 milyon sa pagbebenta at serbisyo, 500,000 trabahong teknisyan at kaakibat na mga propesyon, at 700,000 mga trabahong propesyunal. Halos dalawa sa bawat 10 trabaho sa mga larangang ito ang nakatakdang malusaw dahil sa AI.

Sa industriya pa lamang ng BPO, 300,000 trabaho ang inaasahang mawala sa susunod na limang taon dahil sa AI. Sa kasalukuyan, marami nang kumpanya sa industriya ang gumagamit ng AI para sa rutinang gawaing klerikal at pagsagot sa mga tanong ng mga kliyente. Dagdag na presyur sa mga empleyado na pabilisin ang pagtatrabaho gamit ang AI kahit walang katumbas na dagdag-sahod at benepisyo.

Ano ang AI? Ang AI ay tumutukoy sa teknolohiya sa kompyuter na nagbibigay dito ng kakayahan na gayahin ang talino ng isang tao tulad ng pag-unawa ng lenggwahe, pagkilala ng mga padron, paglutas ng mga problema at paggawa ng mga desisyon. Isa sa mga uri nito ang tinatawag na “generative” AI na may kakayahang lumikha ng teksto, imahe, musika at bidyo mula sa malawak na impormasyon ng publiko na nakalagak sa internet.

Ipinagmamalaki ng mga kumpanyang digital, kakoro ang reaksyunaryong estado ng Pilipinas, na lilikha ng bagong mga trabaho ang AI sa bansa. Gayunpaman, ayon sa CODE-AI, hindi mababawi ng tinatayang 100,000 malilikhang bagong trabaho ng AI ang dami ng trabahong malulusaw dahil dito. Dagdag dito, itinuturing ang Pilipinas bilang “digital sweatshop.” Ibig sabihin, ang klase ng trabahong may kaugnayan sa AI na ipinapasa sa mga Pilipino ay nakatutok sa paulit-ulit na mga gawain, tulad ng data annotation at content moderation na parehong mga trabahong “pangsanay” sa iba’t ibang tipo ng AI. Mababa ang pasahod sa mga trabahong ito ($1–$3/oras), malayo kung ikukumpara sa mga manggagawang gumagawa ng parehong trabaho sa ibang bansa ($15/oras, kung sa US). Wala seguridad sa trabaho ang mga mangaggawa dito at wala silang proteksyon mula sa abuso.

Ngayon pa lamang, puu-puong libong manggagawa at propesyunal na sa Pilipinas ang nagtatrabaho sa mga dayuhang kumpanyang bilang mga “freelancer” ng mga kumpanyang digital. Nagkukumpetisyon sila sa isa’t isa para sa iilang trabaho na iniaalok ng mga ito, kabilang sa mga social media platform tulad ng Meta (may-ari ng Facebook at Instagram) at mga ahensya ng dayuhang estado tulad ng US. Marami-rami sa kanila ay mga bagong gradweyt na walang mapasukang trabaho sa larangan ng kanilang pinag-aralan.

Kontrolado ang teknolohiyang AI ng iilang monopolyong kumpanya na nakabase sa US. Isa sa pinakamalaki ang OpenAI na gumawa ng GPT. May kani-kanya ring sariling teknolohiyang AI ang mga social media platform tulad ng Llama ng Meta (may-ari ng Facebook at Instagram), Gemini ng Google at Grok ng Twitter. Nitong Pebrero, bumungad ang sariling modelong AI ng isang kumpanyang Chinese na Deepseek.

Hindi maikakaila na pinauunlad ng teknolohiyang AI ang proseso ng paggawa, laluna sa mga trabahong paulit-ulit, simple at nakababagot. Gayunpaman, dahil pag-aari at kontrolado ito ng mga monopolyong kapitalista, hindi maikakaila na gagamitin ito laban sa mga manggagawa, laluna sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas, na walang tinatamasang mga karapatan.

Paggamit sa AI kontra manggagawang Pilipino