Mga protesta para panagutin ang mga Duterte at singilin si Marcos, inilunsad

,

Nagtipon ang iba’t ibang demokratikong grupo sa Liwasang Bonifacio, Maynila noong Enero 31 para idaos ang protesta laban sa “3K” o ang Kilos Bayan laban sa kahirapan, korapsyon at kawalang pananagutan. Lumahok sa pagkilos ang mga estudyante, guro, manggagawa, propesyunal, mga taong-simbahan, administrador ng unibersidad, at progresibong partido. Pinangunahan ito ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA).

Katulad na mga pagkilos ang inilunsad sa Naga City, Cebu City, Iloilo City, at Bacolod City sa pangunguna ng TAMA NA at mga balangay ng Bagong Alyansang Makabayan. Sa araw ding iyon, dalawa pang protesta ang inilunsad ng ibang mga grupo, kapwa sa harap ng People Power Monument sa EDSA.

Bago nito, inilunsad ang pagsisindi ng kanila at maiksing protesta noong Enero 30. Noong Enero 27, nagprotesta ang mga konseho ng mag-aaral, pahayagang pangkampus at grupo ng kabataan sa Liwasang Bonifacio sa pangunguna ng Leaders and Advocates of the Youth for the Accountability of Sara Duterte (LAYAS Duterte) Network na itinatag noong Enero 23.

Noong Enero 26, nagmartsa ang mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers sa Baguio City para sa sweldo, badyet sa edukasyon at pananagutan sa kahirapan, korapsyon at impunity ng gubyerno. Itinutulak nila ang impeachment kay Duterte na anila ay palpak sa pagsisilbing dating kalihim ng Department of Education.

Noong Enero 24, pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno ang protestang “UWIAN Na” para sa sahod at laban sa nakaw sa Quezon City. Ang panawagang UWIAN Na ay nagmula sa “Unite for Wage Increase at Against Nakaw sa Gobyerno.”

Mga protesta para panagutin ang mga Duterte at singilin si Marcos, inilunsad