Mga protesta

,

 

Protesta sa UP. Linggu-linggo ang protesta ng mga estudyante at guro ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa iba’t ibang kampus nito bilang pagsalubong sa ikalawang semestre noong Enero. Pinatampok sa mga protesta ang kaltas sa badyet, banta sa seguridad at kalayaang pang-akademiko, kasama rin ang panawagang “Duterte Panagutin, Marcos Singilin!”

Pinakamalaki ang rali sa UP Los Baños kung saan higit 800 ang lumahok sa “First Day Rage” noong Enero 27. Nagsagawa rin ng rali sa UP Tacloban noong Enero 13; UP Manila at UP Visayas, noong Enero 20; UP Baguio, UP Diliman, UP DEPPO sa Pampanga, at UP Cebu noong Enero 21; at UP Mindanao noong Enero 28.

Paggunita sa Mendiola Masaker. Ginunita ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at mga demokratikong sektor ang ika-38 anibersaryo ng madugong Mendiola Masaker noong Enero 22. Isinagawa nila ang isang porum sa Bantayog ng mga Bayani para alalahanin ang 13 indibidwal na namatay matapos salubungin ng dahas ng mga tauhan ng noo’y presidente Corazon Aquino ang libu-libong nagpuprotestang magsasaka. Sinundan ito ng martsa tungong Mendiola sa Maynila kung saan naganap ang karumal-dumal na krimen.

Protesta kontra mahal na multa sa Cebu. Naglunsad ng protesta noong Enero 25 ang mga drayber ng dyip sa ilalim ng Piston Cebu sa harap ng LTO Region 7 para batikusin ang pagtarget sa kanila para patawan ng labis-labis na multa. Umalma ang mga tsuper sa Joint Administrative Order 2014-01 ng ahensya na nagtakda ng hanggang ₱27,000 multa para sa maliliit at gawa-gawang paglabag sa mga batas pantrapiko.

Suporta at kumpensasyon, iginiit ng mga Batangueño. Nagpiket sa Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture at Sugar Regulatory Administration-Main Office sa Metro Manila ang mga magtutubo at magsasaka ng Batangas noong Enero 22. Sa pangunguna ng Sugar-Batangas at Alyansa ng Mga Magsasaka para sa Kumpensasyon, siningil nila ang rehimeng Marcos ng suportang pampinansya at kumpensasyon sa mga apektado ng matitinding sakuna at pagsasara ng CADPI sa prubinsya.

Mga estudyante ng UE at BCP, nagprotesta. Kumilos ang mga estudyante ng University of the East (UE) at Bestlink College of the Philippines (BCP) noong Enero para batikusin ang planong pagtaas ng matrikula at pagpapataw ng pahirap na mga patakaran sa kanilang paaralan. Sa UE, nagpiket sa kampus sa Caloocan at Manila noong Enero 27-28 kasabay ng inilunsad na “konsultasyon” ng UE hinggil sa itinutulak ng unibersidad na 5% tuition and other fees increase (TOFI). Bago nito, sama-sama silang nagsindi ng kandila kasabay ng paglulunsad ng isang maiksing programa sa UE-Caloocan noong Enero 24.

Sa BCP, muling naglunsad ng protesta ang mga estudyante sa Quezon City noong Enero 30 para batikusin ang malaking kapalpakan ng administrasyon sa inilunsad na pagdiriwang sa anibersaryo ng paaralan noong Enero 26 sa Bataan. Binansagan ng Anakbayan-BCP at mga estudyante nito na #BCPTortureDay ang naturang araw ng pagdiriwang dahil sa napakaraming aberya at mahal na gastos.

Mga protesta