Pagkakaisa at pag-aaral bilang pagdiriwang ng anibersaryo ng Partido sa Cordillera
Sa isang larangan sa Cordillera, nauwi ang inakalang mababalam na selebrasyon ng anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 2024 sa isang pyesta ng pagkakaisa at pag-aaral ng mga Pulang mandirigma at masa.
Lugmok sa hirap ang masa sa Barangay Ranyag (Liwanag) na dinatnan ng mga kasama. Bagsak ang taunang ani ng palay dahil sa grabeng tagtuyot na sinundan ng parada ng mga bagyong rumagasa sa rehiyon. Nalimitahan din ang malayang pagpunta ng masa sa mga sentrong bayan para makapamili ng mga pangangailangan dahil sa panggigipit at walang awat na mga operasyong ng AFP.
Dahil dito, hindi maiwasan ng ilang kasama na mag-alala kung paano idaraos ang selebrasyon. Ano ang kanilang ipakakain, gayong nag-imbita sila ng mga magsasaka? Kaya sa umaga ng ika-26 ng Disyembre, hindi na muna naggayak ang mga Pulang mandirigma.
Pero bandang hapon, bigla na lamang tumunog ang kanilang warning device. Mula sa kakahuyan, isa-isang bumungad ang mga taga-Baryo Ranyag.
“Mga kasama, para masigurado ang ating seguridad ay di namin kayo pinapunta sa bahayan. Kami na lamang ang dumayo sa inyo para matuloy ang selebrasyon ng anibersaryo ng Partido,” paliwanag ni Mang Cesar, ang lider ng grupo. Kasama niya ay ang kanyang asawa at anak. Dala nila ang malaking supot ng suman at isang timba ng bilu-bilo. Sa likod ni Mang Cesar ang iba pang tagabaryo na may dalang ispageti at panggatong.
Dali-daling naggayak at itinuloy ng mga kasama ang pinaghandaang programa. Sa anyo ng mga dula, tula, kanta at maiigsing talumpati, ipinakita nila ang lumalalang krisis pangkabuhayan na dinaranas ng mamamayang Pilipino, ang tumitinding hidwaan sa pagitan ni Marcos at Duterte, at ang pagkasangkapan ng imperyalismong US sa mga neokolonya nito (kabilang ang Pilipinas) upang labanan ang China.
Ipinakita nila ang paghahari ng mga pambansa at lokal na dinastiya ng mga burukrata-kapitalista sa yaman ng prubinsya, habang sadyang pinapabayaang salat sa mga serbisyong panlipunan ang mga mamamayan. Binigyang-diin din sa mga pagtatanghal ang kahalagahan ng patuloy na paglahok ng masa sa rebolusyon upang mabago ang kanilang kalagayan.
“Ang bilin ng aming tatay ay alagaan namin ang mga kasama dahil kayo ang tunay na nagmamalasakit sa aming mahihirap. Ito ay habilin na ipapamana namin sa aming mga anak at apo,” kwento ni Dani, isa sa mga dumalo sa pagdiriwang. “Alam naming ang aming lakas ay nasa pagkakaisa at sama-samang pagkilos.”
Di agad umuwi ang taumbaryo pagkatapos ng selebrasyon. Idinaos nila ang asembliya para buuin ang lokal na balangay ng Pambansang Kalipunan ng mga Magsasaka at pinagplanuhan ang sama-samang bungkalan sa isang bahagi ng kanilang komunal na lupain. Pinagkaisahan nila kung papaanong organisadong lalabanan ang inaasahang bigwas ng mga operasyong militar at pagbabalik ng RCSP.
Sa sumunod pang mga araw, iba-ibang espesyal na kurso at pag-aaral sa ilalim ng Padepa (Pambansa-demokratikong Paaralan) ang inilunsad sa pwestuhan ng BHB.
Araw-araw may dumayo sa himpilan ng mga Hukbo—kapwa mga kabataan at nakatatanda. Dumayo ang iba para magpatulong sa mga asignatura, ang iba para sa simpleng kwentuhan. Pinabaunan sila ng mga mandirigma ng pag-asa, kasama ng mga nililok mula sa kahoy na sandok at pambayo.
Sa huling araw ng mga kasama sa lugar, nagtapos ng batayang oryentasyon sa Partido ang mga lokal na aktibistang inorganisa sa isang sangay ng Partido sa lokalidad.
“Mga kasama, naipaliwanag ninyo nang buong-buo ang Programa ng Partido. Wala kaming anumang pag-aatubiling maging kasapi nito,” pahayag ni Mang Cesar sa simula ng kanilang panunumpa sa harap ng bandila nito.
Sa kanilang paglisan sa Baryo Ranyag, binalikan ng mga kasama ang kanilang mga pag-aalala. Buong-puso nilang niyakap ang aral ng kanilang karanasan: Lagi, sa lahat ng pagkakataon, magtiwala sa masa.