Pamana ni Kasamang Jose Maria Sison Kilusang pagwawasto at pagtunggali sa maling linya
Sa Pebrero 8, ipagdiriwang ng sambayanang Pilipino ang ika-86 na kaarawan ni Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Dalawang taon na ang nakalipas mula nang pumanaw si Ka Joma, subalit nananatili pa rin siyang inspirasyon sa mga kabataan at buong bayan. Ang iniwan niyang mayamang kaban ng mga aral at pamana ay kabilang ngayon sa nagsisilbing pundasyon at gabay sa isinusulong na kilusang pagwawasto ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan.
Kabilang sa mga aral na ito ang pangangailangang puspusang makipagtunggali sa mga kontra-rebolusyonaryong ideya, na naging tampok sa Una at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP). Ito ang binigyang diin ni Ka Luis Jalandoni, isa sa pinunong upisyal ng National Democratic Front of the Philippines at mahabang panahong kapanalig ni Ka Joma. Tinukoy ni Ka Luis ang partikular at krusyal na papel ni Ka Joma sa pagsusulong ng IDKP sa paghahanda ng borador ng dokumentong “Muling Pagtibayin ang Ating mga Saligang Prinsipyo at Iwasto ang mga Pagkakamali.”
“Sa panahong ito, maraming iba-ibang ideya ang nanuot sa ating rebolusyonaryong kilusan. Ang mga pagkakamaling natukoy sa dokumento ng pagwawasto ay nakaiimpluwensya sa pag-iisip at ideolohiya ng mga kasama,” ayon kay Ka Luis. Dagdag pa niya, maging ang mga kasama sa Netherlands, kung saan sila nakadistyero, ay hindi nakaligtas sa impluwensya ng maling mga ideyang ito.
Kwento niya, mayroong mga susing lider at nangunguna noon sa organisasyon sa Europa ang “nagdadala na ng linya sa ideolohiya na taliwas sa linya ng dokumento ng pagwawasto.” Paliwanag pa ni Ka Luis, napakahirap na yugto para sa kanila ang panahon ng pagsisikap na ipaliwanag ang dokumentong “Muling Pagtibayin,” at hikayatin ang mga kasama sa Netherlands na unawain ang kahalagahan nito.
Ibinahagi niya rin ang kaso ng isang dating kasama na tumuligsa sa kilusang pagwawasto batay sa palagay ng kanyang mga kaibigan, sa halip na pag-aralan at busisiin ang dokumentong inilabas ng Partido. Dagdag pa ni Ka Luis, sa yugtong iyon din lumitaw sa Netherlands ang katawagang “kontras” sa mga “rejectionist” o nagwaksi sa kilusang pagwawasto.
“Kung hindi nangyari ang IDKP, hindi ko alam kung ano ang posibleng nangyari sa ating rebolusyonaryong kilusan,” ayon kay Ka Luis. Tinukoy at iniwasto ng Partido noong IDKP ang mayor na mga kamalian na umiral sa kilusan sa loob ng maraming taon. Kabilang sa mga kamaliang ito ang linya ng “estratehikong kontra-opensiba” na taliwas sa tatlong yugto ng digmang bayan. Noong dekada 1980 sa Mindanao, adelantadong nagtayo ng malalaking pormasyong militar na dahilan ng pagkabitaw sa gawaing masa at nagbunga ng malalaking pinsala.
“Sa halip na suriin kung bakit nagkaganoon, ang kongklusyon ng mga kontras ay dahil mayroong mga espisya sa kilusan (o mga Deep Penetration Agent). Humantong ito sa pinakamapapait na panahon sa ating rebolusyonaryong kasaysayan,” kwento ni Ka Luis.
Tulad ng kilusang pagwawasto sa kasalukuyan na inilulunsad ng Komite Sentral, ang IDKP sa kaibuturan ay isang kilusang pag-aaral. Ang kakulangan sa gawaing pang-ideolohiya sa maraming taon ay nagbunga sa seryosong mga pagkakamali.
“Sa huli, maliit na porsyento lamang ng rebolusyonaryong kilusan ang tumuligsa sa kilusang pagwawasto. Ang nalalabi ay pumailalim sa pagwawasto sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Lumakas ang BHB. Nagbukas ang maraming larangang gerilya ng hukbo. Muli nating nabawi ang tiwala sa atin ng masa,” ayon kay Ka Luis.
Salaysay ni Ka Luis, napakayaman ng kaban ng aral na iniwan sa atin ni Ka Joma. Simula sa pagtatatag nito, pagtukoy sa mga kamalian, at pagsulong matapos ang mga kilusang pagwawasto. “Sa kanyang huling mensahe sa atin, sinabi niya: Hindi magagapi ang Pambansa Demokratikong Rebolusyon ng mamamayang Pilipino!”