87th IB, berdugo ng Samar

,

Tuluy-tuloy ang paghahasik ng terorismo ng 87th IB sa mga bayan ng Samar. Pinakahuling krimen nito ang pagbaril at pagpatay ng mga berdugong sundalo nito sa mag-amang magsasaka sa Santo Ñiño, Paranas, Samar noong Pebrero 5. Tulad sa ibang kaso, pinalabas nilang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan ang dalawa para pagtakpan ang kanilang krimen at pananagutan sa internasyunal na makataong batas.

Patungo ang mag-amang sina King at Reymark Abalos sa kanilang sakahan ng alas-8 ng umaga para asikasuhin ang kanilang kalabaw nang masalubong ng mga sundalo. Kwento ng mga residente, napagkamalan ng mga sundalo na mga Pulang mandirigma ang dalawa kasunod ng isang labanan noong 4:20 ng madaling araw sa malayong bahagi ng hangganan ng Barangay Santo Niño at Barangay Maylobe.

Kababalik lamang ni King sa Samar mula sa pamamalagi ng ilang panahon sa Maynila. Umalis siya ng isla dahil hindi siya tinantanan ng pamimilit ng 87th IB na magsilbing aset-paniktik sa kanilang barangay laban sa hukbong bayan.

“Walang kahihiyan nilang ipinangalandakan ang kanilang tagumpay gayong kitang-kita kahit sa larawang sila mismo ang kumuha na itak lamang ang dala ng mag-ama,” pahayag ng BHB-Western Samar. Binihisan pa umano ng mga sundalo at pinalitan ang suot na damit ng mag-ama na ayon sa mga taga-barangay ay hindi iyon ang kanilang damit nang umalis sa kanilang bahay.

Malayo sa lugar ng mga King ang lugar ng sagupaan, ayon sa BHB-Samar. Sadyang pinatay ang dalawa sa galit ng mga sundalo dahil sa sunud-sunod nilang kabiguan sa serye ng pag-atake at engkwentro sa mga yunit ng BHB sa unang linggo ng Pebrero.

Sa ulat ng yunit, nabigo ang isang kumpanya ng 82nd DRC na lipulin ang isang pangkat o tim ng BHB sa Barangay Calapi, Motiong noong Pebrero 1. Anang BHB-Western Samar, epektibong nakapagdepensa ang mga Pulang mandirigma kung saan isang upisyal ng DRC ang napatay habang ligtas na nakaatras nang walang kaswalti ang pangkat.

Ligtas ding nakaatras ang yunit ng BHB-Western Samar sa naganap na engkwentro noong Pebrero 5. Sa inis at galit ng militar, nagpakawala ito ng 17 bala ng mortar sa hayok na layuning matamaan ang yunit ng BHB.

Hindi ito ang unang pagkakataong pinupog ng 87th IB ang mga bayan ng Samar. Noong Setyembre 2023, isang linggo nitong binomba ang mga barangay sa San Nicolas at Aguingayan sa San Jose de Buan na nagdulot ng perwisyo sa taumbaryo. Kasabay ng terorismo ang pagbabawal sa mga magsasaka na pumunta sa kanilang mga sakahan. Kahit ang mga eskwelahan ay napilitang magsara dahil dito. Ayon sa taumbaryo, mas maige pa ang kalagayan nila kapag umatake ang mga kulisap at daga, dahil kahit papaano’y may naani sila. Pero kapag ang 87th IB ang sumalakay, matinding gutom ang kanilang inaabot.

Isa pang pambobomba ang iniulat ng mga residente ng Sityo San Pedro, Barangay 3, San Jose de Buan, Samar noong Hunyo 2024. Ganting-salakay ito ng militar matapos mapatayan ng isang sundalo sa operasyong haras ng BHB-Western Samar. Dahil sa panganganyon at sa ipinataw na pagbabawal ng militar, karamihan sa mga magsasaka ay hindi na nakapagsaka sa kanilang kaingin. Ang iba ay natulak na magbakwit sa takot na tamaan ng mga bomba. Liban sa panganganyon, nagnanakaw din ng mga hayop at pagkain ang mga sundalo mula sa mga magsasaka.

Sa tindi ng idinulot na perwisyo ng 87th IB, nagbuklod ang mga resiente ng naturang sityo para igiit ang pagpapalayas sa mga sundalong nakakampo sa kanilang lugar.

Nagpaabot ng pakikiramay ang BHB-Western Samar sa mga kaanak ng mag-amang Abalos at iba pang biktima ng 87th IB. Pangako nitong darating ang panahon na pagbabayarin ng rebolusyonaryong kilusan ang pusakal na 87th IB sa kanilang karumaldumal na krimen laban sa mamamayan.

87th IB, berdugo ng Samar