Walang tigil na karahasan ng 62nd IB sa Negros

,

Dinampot at sadyang pinaslang ng mga sundalo ng 62nd IB ang magsasakang si Rolito Tanillo sa Barangay Tala-on, La Libertad, Negros Oriental noong Pebrero 10, alas-7 ng gabi. Ayon sa ulat, kinuha siya ng mga sundalo mula sa kanyang bahay, dinala sa ibang lugar para paslangin.

Pinalabas ng mga sundalo na napatay siya sa engkwentro sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).Walang patumangga silang nagpaputok para sa pekeng labanan. Nagdulot ito ng labis na takot sa taumbaryo.

Ilang araw bago ang pagpaslang, iligal na nang-aresto ang 62nd IB ng mga sibilyan noong Enero 29 at 31 sa Central Negros.

Sa Barangay Linantuyan, Guihulngan City, Negros Oriental, inaresto ang 70-anyos na si Naring Remasog sa hindi malinaw na batayan. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi matiyak ng pamilya kung saan dinala ng mga sundalo ang biktima at kung ano ang kanyang kalagayan.

Sa Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental, inaresto si Bobet Carillo noong Enero 29. Pinaghukay ng lupa sa ilalim ng kanilang bahay ang kanyang asawa at anak para umano hanapin ang armas na itinago doon ni Carillo. Liban pa, sapilitang pinaggiya sa operasyong kombat si Carillo sa magkakanugnog na mga bayan malapit sa BinalbaganNoong Pebrero 18, iniulat ng mga residente ng sa Hacieda Tres Hermanos sa Barangay Luna, Cadiz City ang pagdagsa ng mga Scout Ranger mula sa 79th IB sa kanilang komunidad. Pinasok nila ang bahay ng tagapangulo ng asosasyon at ipinailalim siya sa interogasyon.

Panggigipit. Sa Cordillera, sinampahan ng reklamong paglabag sa “terrorism financing” ang tagapagsalita ng Kilusang Mayo Uno- Cordillera na si Mike Cabangon. Noong Pebrero 15, nakatanggap si Cabangon ng isang reklamo na isinampa ng pulis laban sa kanya para diumano sa dalawang insidente ng paglabag sa “terrorism financing.”

Si Cabangon ang ika-12 progresibong indibidwal sa Northern Luzon na sinampahan ng gawa-gawang reklamo kaugnay ng terrorism financing.

Sa Iloilo, iniulat ng Anakbayan-West Visayas State University (WVSU) ang pagkumpronta nito sa isang myembro ng Student Intelligence Network (SIN) sa ilalim ng Reserve Officer Training Corps (ROTC) na nagpapanggap na estudyante ng unibersidad at naniktik sa kanilang organisasyon. Umamin ang naturang indibidwal sa kanyang ginawang paniniktik laban sa mga kasapi ng Anakbayan-WVSU alinsunod sa atas sa kanya sa ROTC.

Walang tigil na karahasan ng 62nd IB sa Negros