"Assumption of Jurisdiction" ng DOLE sa welga sa Nexperia, instrumento ng kapitalista

,

Inilantad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagiging maka-kapitalista nang maglabas ito ng kautusang “assumption of jurisdiction” o AJ noong Pebrero 5 sa kinahaharap na laban ng mga manggagawa at unyon sa Nexperia Philippines Inc. Sa pamamagitan ng AJ, epektibong ipinagbawal ng DOLE ang planong welga na inihahanda ng mga manggagawa sa pangunguna ng Nexperia Philippines Inc Workers’ Union-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NPIWU-NAFLU-KMU).

Ang AJ ay isang kautusan na inilalabas ng kalihim ng DOLE sa mga sigalot sa paggawa sa mga industriyang tinaguriang “mahalaga sa pambansang interes”. Awtomatikong pipigilan nito ang anumang welga o lockout, at oobligahing agad bumalik sa trabaho ang mga manggagawa at ituloy ang operasyon ng kumpanya. Gamit ang AJ, maaaring pakilusin ng DOLE ang mga pulis at militar para supilin ang mga manggagawang susuway dito sa kautusan.

Sunud-sunod na mga piket at rali ang isinagawa ng NPIWU nitong Pebrero para batikusin ang AJ. Sigaw nila na kaagad na ibasura ang AJ at tugunan ng Nexperia ang matagal nang hinaing ng mga manggagawa dito. Matatandaan na bumoto ang mayorya ng mga kasapi ng NPIWU-NAFLU-KMU noong Disyembre 20, 2024 para ikasa ang welga matapos isang taon na pag-antala ng kumpanya sa negosasyon at deadlock sa pag-uusap para sa bagong collective bargaining agreement (CBA). Paglaban rin nila ito sa iligal na tanggalan at pagsibak sa trabaho sa apat na upisyal ng unyon kabilang ang pangulo nito noong Disyembre 17, 2024.

Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (Philippines), labag ang AJ sa karapatan ng mga manggagawa sa pakikipagnegosasyon sa CBA at karapatang magwelga. Mayroon nang hatol ang International Labour Organization Committee of Experts on the Application of Conventions (ILO CEACR) na lumalabag sa ILO Conventions 87 at 98 ang AJ sa karapatan sa kolektibong pakikipagtawaran at karapatang magwelga

Ang Nexperia ay bahagi ng isang kumpanyang multinasyunal na lumilikha ng mga semiconductor chip na ginagamit sa mga sasakyan, cellphones, at iba pa. Kasama sa mga kliyente nito ang Bosch, Continental, Denzo, Huawei, Neltz, Tesla, Xiaomi at Samsung.

Sa kasalukuyan, nakagagawa ang Nexperia Philippines ng pitong milyong chip araw-araw. Bahagi ito sa mahigit 90 bilyong semiconductor chip na napoprodyus ng buong kumpanya taun-taon. Nitong Pebrero, nag-ulat ang kumpanya ng kabuuang kita na $12.61 bilyon para sa 2024.

Ang Nexperia ay dating Phillips Semiconductors, isa sa pinakamalaking kumpanya ng semiconductor na nakabase sa The Netherlands. Ibinenta ito ng mga Dutch na may-ari sa mga mamumuhunang Amerikano noong 2016 at naging NXP Semiconductors. Noong 2017, nabili ito ng WingTech, isang kumpanyang Chinese na bahaging pagmamay-ari ng estado ng China. Mayroon itong mayor na mga upisina sa The Netherlands at China.

"Assumption of Jurisdiction" ng DOLE sa welga sa Nexperia, instrumento ng kapitalista