Orkidyas para kay Ka Maria Malaya, minamahal na bayani at mandirigma ng masang api

,

Pinakamataas na pagpupugay at parangal ang iginawad ng pamunuan at buong kasapian ng Partido Komunista ng Pilipinas, lahat ng Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan, at lahat ng mga pwersang rebolusyonaryo ng sambayanang Pilipino, kay Ka Maria Malaya (Myrna Sularte), isa sa mga namumunong kadre ng Partido at minamahal na mandirigma ng aping masa ng mga manggagawa, magsasaka, at mamamayang Lumad ng Mindanao.

Si Ka Maria, 71, ay nabuwal sa kahuli-hulihan niyang pakikipaglaban noong Pebrero 12 sa Barangay Pianing, Butuan City, sa isang matinding sagupaan sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at ng malupit na mga pasistang pwersa ng 901st IBde.

Kagawad siya ng Komite Sentral at Kawanihan sa Pulitika. Kasapi din siya ng Komisyon ng Mindanao at tumayong kalihim ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Northeast Mindanao sa nakaraang mahigit dalawang dekada. Nagsilbi rin siyang tagapagsalita ng National Democratic Front sa Northeast Mindanao.

Tubong Bayugan City, Agusan del Sur, nagmula si Ka Maria sa isang pamilya ng panggitnang magsasaka. Nagtapos siya ng kursong agroteknolohiya sa isa sa mga unibersidad sa Butuan. Iniwan niya ang relatibong maalwan niyang buhay para walang pag-iimbot na pagsilbihan ang masang api at pinagsasamantalahan. Sumapi siya sa Partido noong 1977, sa kasagsagan ng kadiliman ng pasistang paghahari sa ilalim ng noon diktadurang Marcos.

Sa nakalipas na limang dekada, gumampan siya ng iba’t ibang tungkulin, kabilang ang pamumuno sa rebolusyonaryong gawain sa mga lungsod at kanayunan, kapwa sa kanluran at hilagang-silangang Mindanao.

Hindi kailanman nagmaliw ang paninindigan niya para sa rebolusyonaryong layunin. Walang-humpay siyang tumupad sa kanyang mga tungkulin bilang kadre ng Partido at pinuno ng Bagong Hukbong Bayan, kahit nang natuklasang may kanser siya, na dalawang dekada niyang hinarap sa pamamagitan ng disiplinadong pagkain at paggamot.

Masipag na mag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo si Ka Maria. Mataman niyang inilapat ang saligang mga prinsipyo, patakaran, at programa ng Partido sa mga konkretong kundisyon ng mamamayan sa Northeast Mindanao. Kasabay nito, nag-aral siya ng mga rebolusyonaryong karanasan ng Vietnam, China, at iba pang mga bansa, pati na rin ng ibang mga rehiyon sa bansa.

Sa loob ng maraming taon, mahigpit niyang naging katuwang ang kanyang asawa, ang dating tagapagsalita ng BHB na si Ka Oris, sa pamumuno ng Partido at ng BHB sa pagkamit ng rebolusyonaryong mga tagumpay sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan. Isa siya sa pinakamatitibay na haligi ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992, na kanyang itinaguyod at ipinatupad nang walang pag-aatubili.

Si Ka Maria ay naging isa sa pinakamahusay na kadreng militar. Tinitiyak niyang palagi na kumprehensibong umuunlad ang digmang bayan sa Northeast Mindanao. Sa ilalim ng matatag na pamumuno ni Ka Maria, nagsulong ang BHB at taumbayan ng walang-humpay na paglaban sa mga mapangwasak at mapagsamantalang mga kumpanya sa pagmimina, mga plantasyon, at mga proyektong ekoturismo na nagpapalayas sa masang anakpawis mula sa kanilang mga komunidad, at sumisira sa kalikasan.

Ikinintal niya sa BHB ang hindi natitinag na kapasyahang labanan ang lahat ng anyo ng pang-aapi at kamtin ang katarungan sa lahat ng krimen ng mga pasista laban sa mga mamamayan.

Pinasigla niya at tinulungang organisahin ang paglaban ng masang lumad na Manobo sa pagtatanggol sa kanilang lupaing ninuno, at paghadlang sa lumalalang agresyon ng mga “proyekto pangkaunlaran”. Dahil dito, galit na galit sa kanya ang malalaking burgesyang kumprador at mga korporasyong multinasyunal, na nagbigay ng pondo upang armasan at sanayin ang mga armadong pwersa ng kaaway at mga grupong paramilitar upang labanan ang BHB, at “puksain” si Ka Maria.

Sa mga sandali ng pahinga, kumukuha si Ka Maria ng mga larawan ng ganda ng mga pambihirang orkidya at bulaklak, na nagpapakita ng kulay sa gitna ng lunting kagubatan ng mga kampong gerilya.

Katulad na dumaloy ang dugo ng mga rebolusyonaryong bayani sa mga ugat ni Ka Maria, dumadaloy ngayon ang kanyang dugo sa mga ugat ng bagong henerasyon ng mga kadre ng Partido at mga Pulang mandirigma. Sila ay determinado, tulad ni Ka Maria noon, na ipagpatuloy ang digmang bayan mula sa isang yugto hanggang sa susunod, patungo sa ganap na tagumpay.

Mga sipi mula sa parangal ng Komite Sentral ng Pilipinas kay Ka Maria Malaya, Pebrero 14, 2025.

Orkidyas para kay Ka Maria Malaya, minamahal na bayani at mandirigma ng masang api