Mga aksyong gerilya, inilunsad ng BHB sa Rizal, Mindoro at Negros
Naglunsad ng mga taktikal na opensiba ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa nagdaang mga linggo laban sa mga pwersa ng militar at mapangwasak na konstruksyon sa Rizal, Mindoro at Negros.
Sa Rizal, binigwasan ng BHB-Rizal (Narciso Antazo Aramil Command) ang tropa ng 80th IB noong Pebrero 17 sa Sityo Tayabasan, Barangay San Jose, Antipolo City, bandang alas-3 ng hapon. Isang sundalo ang napatay.
Malaon nang nasa lugar ang mga tropa ng AFP na nagsisilbing protektor ng mapanirang Wawa-Violago Dam at pagkakwari na nagpalayas sa mga magsasaka at nagdudulot ng matinding pinsala sa kapaligiran ng Rizal.
Sa Negros Oriental, isinagawa ng mga Pulang mandirigma ang pagparusa laban sa mapandambong at mapangwasak na operasyon ng kumpanyang pag-aari ng malaking kumprador na pamilyang Limkaichong noong Pebrero 8 sa Barangay Aya, La Libertad. Pinaralisa ng yunit ang isang dump truck, isang pison, at dalawang backhoe na ginagamit sa pagtatayo ng kalsada para sa mina at plantasyon. Tinatayang ₱20 milyon ang kabuuang danyos ng operasyon.
Samantala, bigo ang sumalakay na yunit ng 4th IB na ubusin ang sinalakay nitong yunit ng BHB sa Sityo Balugo, Brgy. Budburan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Pebrero 15. Magiting na lumaban ang mga Pulang mandirigma kaya’t nagawang pinsalain ang mga berdugo. Dalawang patay, kabilang ang kumander ng platun, at siyam ang sugatan sa hanay ng umatakeng kaaway.
Bago nito, hindi bababa sa apat na sundalo ng 203rd IBde ang kaswalti sa dalawang aktibong depensa ng mga yunit ng BHB-Mindoro (Lucio de Guzman Command) sa mga pananalakay na isinagawa ng militar sa San Jose, Occidental Mindoro at Mansalay, Oriental Mindoro noong Pebrero 11.