USAID, instrumento ng imperyalismong US
Isinuspinde nitong Pebrero ng presidente ng US na si Donald Trump ang operasyon ng US Agency for International Development (USAID), National Endowment for Democracy (NED) at iba pang katulad na ahensya. Ang mga ahensyang ito ay direktang hawak ng Department of State ng US, ang kagawarang namamahala sa ugnayang panlabas ng imperyalistang estado. Daluyan ang mga ito ng pondo para sa mga maka-US na mga korporasyon, institusyon at grupo sa loob at labas ng bansa.
Ang suspensyon ng pondo ay kasabay ng malawakang tanggalan at reorganisasyon ng burukrasyang sibil na salamin ng lumalalang krisis sa pulitika sa US. Itinutulak ito ng rehimen ni Trump sa layuning kontrolin ng kanyang pangkatin ang buong burukrasya at ireorganisa ang badyet para magsilbi sa sarili nitong oligarkong interes at ultra-konserbatibong adyenda.
Noong 2024, gumastos ang US ng humigit-kumulang $30 bilyon para sa USAID, malayong mas maliit (3%) kumpara sa $886 bilyong kabuuang ginagastos ng US para sa depensa at militar. Instrumento ito ng tinatawag na “soft power” ng US. Ang “soft power” ay estratehiya para impluwensyahan ang mga desisyon ng mga estado at pag-uugali ng mga mamamayan, grupo at organisasyon sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga proyekto. Isa itong anyo ng hindi tuwirang panghihimasok, sa halip na gumamit ng pamimilit o karahasan. Ginagamit ito kaakibat ang “hard power” o direkta at marahas na interbensyon, tulad ng mga operasyong inilulunsad ng Central Intelligence Agency. Parehong ginagamit ng US ang “soft” at “hard power” para palakasin ang imperyalistang kapangyarihan at pagpapanatili nito ng hegemonya sa buong mundo.
Sa nakaraang mga dekada, naging mahalagang instrumento ang USAID sa pagsusulong ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomya, pagpapalakas ng impluwensyang kultural ng US, pagsasamantala sa likas na yaman ng mga malakolonya, pagtutulak ng mga proyektong imprastruktura na nakikinabang sa mga korporasyong US at pagsusulong ng seguridad at interes militar ng US. Sa mga bansang nais kontrolin ng US, laluna sa Latin America, ginamit din ang mga proyekto nito sa paniniktik at direktang panghihimasok sa internal na mga usapin ng mga bansa.
Sa Pilipinas, nagagamit ang USAID at pampabango nitong mga proyekto para pagtakpan ang mas masaklaw na ayudang militar ng US sa bansa. Ayon sa mga ulat, apektado ang ₱4-bilyong halaga ng mga proyekto ng USAID sa bansa ngayong taon. Kakambal ang pondong ito sa $500 milyon o ₱27.5 bilyong ayudang militar na nakatakdang ibuhos ng US sa parehong panahon.
Tulad sa ibang bansa, ang mga programa nito sa Pilipinas ay nagbabalat-kayo na nagtataguyod ng “kalayaan,” “demokrasya,” “karapatang-tao,” “karapatan sa kasarian,” at kabuhayan. Ilan sa pinakamatatagal na programa ng USAID ay ginamit sa pagsupil sa paglaban at kapitulasyon ng pakikibaka ng Bangsamoro Mindanao. Gayundin, pangunahing nakikinabang sa mga proyektong ito ang mga pribadong Amerikanong kumpanya at institusyon na “katuwang” ng ahensya sa implementasyon.
Sa aktwal, pangunahing pinopondohan ng US ang terorismo ng papet nitong estado sa Pilipinas sa pamamagitan ng ayuda, pagsasanay, at indoktrinasyon ng reaksyunaryong hukbo sa kontra-insurhensya. Ang pinopondohan nito ay ang pagsupil sa progresibo at patriyotikong mga grupo at indibidwal na lumalaban sa imperyalistang dominasyon ng US at ng papet nitong estado.