Kainutilan, kasakiman, nagpapalala ng epekto ng shear line
Mariing kinundena ng People Surge, alyansa ng mga nakaligtas sa sakuna, ang kainutulan ng rehimeng Marcos na bigyan-proteksyon ang mga bulnerableng komunidad sa panahon ng mga bagyo at pag-ulan na dala ng shear line. Binatikos din nito ang pagpabor ng rehimen sa mapangwasak na mga proyekto at operasyon ng mina, kwari at pagpapalit-gamit ng lupa na nagpapalala sa mga pinsala ng pagbaha at pag-ulan. Iginiit nito na dapat bigyang-hustisya at kumpensasyon ang mga nakaligtas sa mga sakuna at itigil ang nabanggit na mga mapangwasak na operasyon.
Mula Enero, buu-buong barangay sa Samar, Davao, mga rehiyon ng Camarines, Cagayan at iba pang mga prubinsya ang lumubog sa baha dahil sa matagal at malalakas na pag-ulan na dala ng shear line. Ang shear line ay ang banggaan ng magkaibang bilis, direksyon at temperatura ng hangin na nagreresulta sa pag-ulan.
Kamakailan, nilubog ng mga ulan ang mga barangay sa mga rehiyon ng Calabarzon, Western Visayas at Central Visayas na nagdulot ng pinsala sa 850,000 indibidwal. Kabilang sa mga nabalita ang matinding pagbaha sa Puerto Princesa City at iba pang bayan sa Palawan, kung saan lima ang napatay.
Kulang na kulang ang ipinamahagi ng estado na ₱65 milyon na tulong kumpara sa laki ng pinsala, ayon sa grupo. Hindi nito kayang muling itayo ang mga bahay, ibalik ang mga nawalang pananim, o tugunan ang troma na idinulot sa ating mga komunidad sa napakaliit na halagang ito.
Panawagan ng alyansa na magkaroon ng komprehensibong planong pangsakuna para bigyang prayoridad ang pinakabulnerableng mga lugar at mga programang pangkabuhayan sa mga apektadong mga komunidad. Kailangan ding papanagutin ang mga lokal at pambansang upisyal na bigong protektahan ang kanilang mamamayan, dahil ang kanilang pagpapabaya ay nagpapasidhi sa tindi ng sakuna.