Koresponsal Ang hamon ng buhay pultaym sa rebolusyon
Unang namulat si Loren, isang kabataang babae, sa panahon ng pandemya. Malaki ang galit niya sa ipinataw na lockdown ng rehimeng Duterte na sumagasa sa mahahalagang pangyayari sa kanyang buhay, tulad ng pagmartsa sa pagtatapos mula senior hayskul at makapagdaos ng ika-18 taong kaarawan. Nawalan ng trabaho ang kanyang mga magulang, at namatayan ang kanilang pamilya dahil wala silang maipambayad sa ospital.
“Imposibleng hindi ako mamulat sa panahong iyon,” kwento niya. Nababad siya sa social media at nakasubaybay sa mga post ni Chad Booc, isang aktibistang guro. Mula sa mga online na mga talakayan, napagtanto niya ang kahalagahan ng pagsali sa mga organisasyong masa ng mga kabataang tulad niya na napupukaw ng iba’t ibang mga usapin sa bayan.
“Naging tambay (ako) sa Discord at iba pang online na pulong,” kwento ni Loren. Pero sa kabila ng kanyang interes, may panahong tumigil ang pagtatanong niya tungkol sa mga kalakaran sa lipunan. Muli siyang napukaw nang mabalitaan ang karumal-dumal na pagpatay kay Booc at iba pang kinilalang New Bataan 5.
“Iyak, galit at walang humpay na pagsisi sa pasistang rehimen ang ginawa ko buong araw nang makumpirma ang nangyari kina Teacher Chad,” pag-aalala niya. “Hindi ko kinayang sarilihin ang lungkot at galit, tumungo ako sa lansangan, bitbit at sigaw ang panawagan ng hustisya sa naging dahilan bakit ako namulat at kumilos.”
Mula noon, hindi na siya nawala sa lansangan. Bumalik siya sa pagiging estudyante ng Pambansa Demokratikong Paaralan. Lumahok siya sa mga iglap-protesta.
Nang magbukas ang mga eskwelahan, pumasok siya sa isang unibersidad bilang “iskolar ng kamag-anak.” Hinarap niya rito ang isyu ng mataas na gastos sa edukasyon at kapabayaan ng estado sa kanyang sektor. Dahil dito, nagpunyagi siyang mag-organisa sa hanay ng kapwa niya estudyante.
“Hindi basta-basta ibibigay ng mga nasa kapangyarihan ang mga nararapat sa kabataan,” pahayag niya. Napatunayan niya ito nang hindi naproseso ang aplikasyon niya para sa tulong pampinansya sa huling taon niya sa kolehiyo. “(K)inailangan kong magmakaawa para maigapang ang pag-aaral ko o di kaya’y makipagsapalaran sa libu-libong estudyante na umaasang makapasok sa mga pampublikong unibersidad.”
Sa kabila nito, inisip pa rin niyang makapagtapos dahil isang taon na lamang ay may diploma na siya. Pero napagtanto din niyang hindi niya kailangan ng diploma para baguhin ang pahirap na sistema at lipunang pyudal-patriyarkal na dobleng nagpapahirap sa kabataang kababaihang tulad niya.
“Biro ko sa mga kasama na hindi ko kailangan ng diploma sa kolehiyo kung ako naman ay ‘nakapagtapos ng PADEPA’ at tuluy-tuloy na nag-aaral ng teorya at praktika,” aniya.
Sa kanyang karanasan, ang buhay-pultaym sa kalunsuran ay nangangahulugan ng araw-araw na pagbaka at pagpili na igpawan ang kinasanayang burgis na kultura.
“Hindi na ako sumasama sa gimikan ng aking mga kaibigan,” kwento ni Loren na dating mahilig humithit ng vape at gumamit ng mga app sa smartphone para sa pagdedeyt.“Mas uhaw na akong matuto ng mga teorya at pag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at magturo ng PADEPA, lumahok sa mga pagkilos gaano man ito kaaga, makipamuhay sa sakahan at pagawaan at tumungo sa mga paaralan para magmulat, mag-organisa magmobilisa.”
May mga pagkakataon na gusto na niyang sukuan ang gawain. Para igpawan ang mga pagkakataong ito, humahalaw siya ng mga aral kung paano nireresolba ang gayong mga kontradiksyon ng ibang kasama. Iniisip niya ang haba na ng pinagdaan ng rebolusyon, marami na ang nagbuwis ng buhay. Sa kabila nito, marami rin ang nananatili kahit batid nilang hindi na nila makikita ang tagumpay. Malaki ang paghanga niya sa mga kasamang isinusulong ang pambansang demokrasya para sa kanilang mga anak, apo, at ang naiwang alaala at ambag ng mga kasamang martir.
“Nakakahiya sa organisador kong si Teacher Chad na isa sa libu-libong biktima ng pasistang rehimen,” aniya. “Hindi ako perpekto na aktibista at organisador, pero hindi ako mapapagod at hihinto na matuto, magturo, magwasto, umigpaw, magmahal at makibaka.”
Ngayong taon, muling nahaharap sa sangandaan si Loren—kung magpapatuloy na pultaym sa kalunsuran, o tutungo na sa kanayunan.