Koresponsal Lumalalang paglabag sa mga karapatang-bata sa ilalim ng rehimeng Marcos

,

Pinabulaanan at kinundena ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) ang kamakailangang pahayag ng rehimeng Marcos na maaari nang tanggalin sa listahan ang Pilipinas mula sa pagmamatyag ng UN Special Representative of the Secretary-General (SRSG) on Children and Armed Conflict o mga batang nasa larangan ng armadong sigalot. Anang Makibaka, hungkag ang sinasabi ni Marcos na naging matagumpay ang gubyerno nito sa pagharap sa mga usaping pambata tulad ng child labor, karahasan laban sa bata, trafficking, pagkabansot (stunting) at maging pagtugon sa kahirapan na ugat ng digmaan.

Pinayuhan ng Makibaka ang UN-SRSG na mas malalim na suriin ang mga isinusumiteng ulat ng rehimeng Marcos. Anito, mapanlinlang at maka-isang panig ang mga ulat na ito na layong pagtakpan ang samutsaring pandarahas at paglabag sa karapatan ng mga bata, ng kanilang mga pamilya at mga komunidad, na dahil sa tumitinding kahirapan ay lumalaban at nakikidigma. Ang realidad, hindi “kampeon” ng mga proteksyon ng mga bata ang rehimeng Marcos, kundi numero unong tagapaglabag ng kanilang mga karapatan.

Sa ulat ng Ang Bayan, hindi bababa sa 1,267 ang kaso ng paglabag sa mga karapatang-tao ang nasangkot ang mga bata mula nang maupo si Ferdinand Marcos Jr noong Hunyo 2022 hanggang Enero 28 ngayong taon. Bahagi sa mga ito ang mga kaso ng pagpaslang, bigong pagpaslang, pagdukot, tortyur, iligal na pang-aaresto at detensyon ng mga menor-de-edad at mga paslit. Biktima rin sila ng pambobomba, istraping, pwersahang pagpapalikas, blokeyo sa pagkain, panggigipit at intimidasyon at okupasyong militar. Lahat ito ay labag sa internasyunal na makataong batas, at sa espesyal na mga proteksyon sa mga bata, at mga bagong-panganak na mga sanggol at kanilang mga nagpapasusong ina.

Sampung bata ang walang awang pinatay ng mga sundalo ng AFP at pinalabas na napaslang sa mga engkwentro sa pagitan nito at mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Kabilang dito ang 9-anyos na si Kylene Casao sa Batangas, 17-anyos na si Argie Salvador sa Camarines Norte at ang 16-anyos na si Eusibio Cranzo (Kuni Cuba) sa Sultan Kudarat. Sa Negros, minasaker ng 94th IB ang pamilyang Fausto, kabilang ang 11-anyos na si Raben at 15-anyos na si Ben, gayundin sa pagpatay nito sa 16-anyos na si Everly Kee, kasama ang kanyang 5-buwang buntis na ina.

Sa Masbate, walang awang pinatay ng mga sundalo ang 17-anyos na si Carling Belan at ang 14-anyos na si JP Osabel sa magkahiwalay na insidente. Pareho silang pinagbintangang mga Pulang mandirigma ng mga sundalo. Sa Samar, dalawang bata ang basta na lamang binaril ng 73rd IB nang datnan nila ang mga ito sa gubat. Sa Samar pa rin, magkasamang pinaslang ng mga berdugo ng 63rd IB si Ronie Obiado at ang kanyang 2-taong gulang na apo na si Intoy. Sa Oriental Mindoro, isang paslit ng pamilyang Inyab ang pinatay habang nagsasagawa ng operasyong kombat ang mga berdugong sundalo. Sa lahat ng mga kasong ito, paulit-ulit na pinabulaanan ng mga pamilya, kaibigan at kababaryo ang kasinungalingan ng AFP na may kinalaman sa BHB ang mga biktima.

Tatlumpung bata ang biktima ng pagdukot, tangkang pagdukot at iligal na detensyon. Lima sa kanila ay bagong silang na mga sanggol. Isa rito si Baby Rhea, anak ng mga Pulang mandirigma, na kinidnap ng 47th IB para pwersahing sumuko ang kanyang mga magulang. Gayundin ang layunin ng mga berdugo sa pagkidnap kay Baby Marx sa Negros. Sa Samar, dalawang bagong silang na sanggol ang sikretong ipiniit sa kampo ng 8th IB, kasama ang kanilang mga ina, para pasukuin ang kanilang mga amang pinaghihinalaang mandirigma. Samantala, tinangka pero napigilan ng taumbaryo ang pagkidnap ng mga sundalo sa isang sanggol matapos iligal nilang arestuhin ang kanyang ina sa Masbate. Sa Samar pa rin, pitong menor-de-edad ang dinakip at ginawang “hostage” sa loob ng kampo militar para gamiting pain sa kanilang mga kamag-anak na pinaghihinalaang mga mandirigma.

Hindi ligtas ang mga bata sa tortyur sa kamay ng mga sundalo. Sa Samar, kasamang ibinilad sa araw ang dalawang menor-de-edad na anak ni Tipano Rotamula matapos siyang pagbintangan ng mga sundalo na sangkot sa isang ambus ng BHB. Sa Surigao, binugbog ang dalawang batang sina Archie at Dennis, kasama ng iba pang myembro ng pamilyang Montenegro, dahil sa hinalang sumusuporta sila sa rebolusyonaryong kilusan.

Libu-libong bata ang dumanas ng troma at takot dulot ng walang patumanggang pagbobomba, pang-iistraping at panganganyon sa Samar, Negros, Ilocos, Agusan, Cagayan, Aurora, Kalinga, Bukidnon, Abra, Iloilo, Camarines Sur, Quezon, Surigao, Nueva Ecija at Mindoro. Gamit ang pinakabago at pinaka-high-tech na mga eroplanong pandigma, howitser, at drone, sinasalanta ng pambobomba ang mga sibilyang komunidad ng mga katutubo’t magsasaka. Apektado maging ang pag-aaral ng bata dahil napipilitan ang mga lokal na gubyerno na isuspinde ang klase sa mga lugar kung saan masinsin ang pambobomba at militarisasyon.

Hindi ligtas ang mga bata sa mga komunidad ng magsasaka na palagiang nasa panganib ng pagsalakay ng mga maton ng mangangamkam ng lupa, katuwang ang pulis at militar. Kabilang dito ang mga bata sa Hacienda Yulo, Lupang Ramos, mga sakahan sa Bulacan at marami pang iba.

Hindi rin kawala ang mga bata sa mga komunidad ng mga manggagawa at mala-manggagawa sa kalunsuran sa iba’t ibang porma ng paninidak, pambabanta, pandurukot at pagpatay. Sa talaan ng AB, di bababa sa tatlong komunidad ang dumanas ng mararahas na demolisyon. Isa rito ang demolisyon sa Quezon City para bigyan daan ang konstruksyon ng parking lot ng pampublikong ospital na pambata na nagresulta sa pagtulog ng mga sanggol at paslit sa lansangan.

Patunay ang laganap na mga paglabag sa karapatang-tao sa mga bata, at sa mamamayan sa pangkalahatan, na tuluy-tuloy ang kampanyang panunupil ng rehimen sa ngalan ng paggapi ng rebolusyonaryong kilusan laluna sa kanayunan.

Lumalalang paglabag sa mga karapatang-bata sa ilalim ng rehimeng Marcos