3, pinatay ng militar sa Visayas

,

Walang tigil ang paghahasik ng karahasan ng rehimeng Marcos at armadong pwersa nito laban sa mamamayan sa nagdaang mga linggo. Naitala ang dalawang kaso ng pagpatay, pamamaril at panggigipit sa mga lider-masa sa Visayas.

Noong Oktubre 5 ng gabi, pinatay ng pinagsanib na pwersang militar at pulis si Roberto Cabales at magsasakang si Matteo Suarez sa Barangay Coto, Lambunao, Iloilo. Pinalabas ng pulis at militar na nanlaban ang dalawa habang hinahainan ng mandaymento de aresto. Pinasinungalingan ng rebolusyonaryong kilusan sa Panay ang paratang na ito at sinabing di armado ang dalawa.

Sa Samar, pinatay ng 43rd IB at ng paramilitar na Dos ang magsasakang si Veronico “Tatay Birong” Anterio, 65, noong Setyembre 16 sa Barangay Carolina, Matuguinao. Pinuntirya siya dahil nagsilbi siyang boses ng paglaban sa paghaharing militar ng 43rd IB at ng grupong paramilitar na Dos sa kanilang komunidad. Matapang na humarap si Anterio sa mga pasista upang tuligsain ang mapanggipit na hakbanging ipinataw sa Barangay Carolina na kinakampuhan ng 43rd IB.

Pamamaril. Walang patumanggang namaril ang mga gwardya at pribadong armadong pwersa sa mga manggagawang-bukid sa Hacienda Escolastica, Barangay Mabini, Cadiz City, Negros Occidental noong Setyembre 30. Pitong magbubukid ang nasugatan sa insidente. Pinagsisira at ninakaw din ng mga gwardya ang mga tanim na mais ng mga magbubukid. Ginigipit sila dahil sa kanilang paglaban para sa karapatan sa lupa sa asyenda.

Panggigipit. Sinampahan ng mga pulis ng reklamong paglabag sa Batas Pambansa 880 o ang Public Assembly Act ang mga lider-masa ng Cebu na sina Nanay Bebe Allere ng Panaghupong-Kadamay, Jaime Paglinawan ng Bagong Alyansang Makabayan-Central Visayas, John Ruiz ng Bayan Muna, Howell Villacrucis ng AMA-SUGBO-KMU, at iba pa noong Setyembre 29. Ang reklamo ay kaugnay sa protesta kontra korapsyon sa Cebu City District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways Region VII noong Setyembre 5.

Samantala, dumanas rin ng panggigipit at Red-tagging mula sa 503rd IBde si Beatrice “Betty” Belen noong Setyembre 28-29 nang puntahan siya sa Barangay Uma Del Norte, Lubuagan, Kalinga. Tumatayo siyang kasalukuyang tagapangulo ng Innabuyog-Kalinga at dating bilanggong pulitikal.

3, pinatay ng militar sa Visayas