Pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa Eastern Visayas
Ikalawa ang Eastern Visayas sa may pinakamaliit na bilang ng mga magsasakang may sariling lupa, at ikaapat sa may pinakamaraming walang sariling lupa. Tanda ito ng patuloy na pyudal at malapyudal na pagsasamantalang dinaranas ng mga magbubukid dito.
Sa rehiyon, tinatayang 17.6% lamang ng mahigit 1.89 milyong magsasaka o 209,240 ang maituturing na may “sariling lupa”, samantalang 82.4% o 980,000 ang walang sariling lupa na maaari pang lumobo kung idadagdag ang 84,825 may “sariling lupa” ngunit nasa kategoryang “owner-like possession” o may mga inuukupahang lupa ngunit walang sariling titulo at bulnerableng mapalayas sa lupang sinasaka. Samantala, 5,835 ektarya ng mga sakahan sa rehiyon ang pagmamay-ari lamang ng 97 na korporasyon.
Nasa 67% ng mga sakahan sa rehiyon ay nakalaan pangunahin sa cash crop o produktong pang-eksport para sa dayuhang merkado. Ang rehiyon ay ika-anim sa nangungunang prodyuser ng niyog at ikalawa naman sa abaka. Umaabot naman sa 23.6% ng kabuuang lawak ng mga sakahan sa rehiyon ang tinataniman ng palay. Pangunahing nakaasa pa rin sa tubig-ulan ang mga palayan. Noong 2014-2024, nasa 1,023 ektarya lamang na taniman ng palay ang dagdag na nakinabang sa serbisyong patubig.
Kalakhan sa mga sakahan ay nakaasa pa rin sa kalabaw, paghahampas ng mga ani at manu-manong pagbabayo ng palay. May mahigit 4,000 barangay sa rehiyon, subalit 129 lamang ang traktora, 2,586 lamang ang harvester tresher, at 1,199 na gilingan ng palay. Iilang panginoong maylupa lamang ang may kontrol sa iba pang mahahalagang kagamitan sa produksyon.
Sa mga palayan, koprasan at abakahan, laganap ang mga kaayusang 75-25 at 50-50 sa upa sa lupa. Nariyan din ang kaayusang “tinulo” na sa aktwal ay 75-25 rin. Sa aktwal, malayong mas mababa pa ang kinikita ng mga magsasaka dahil binabalikat nila ang halos lahat ng gastos sa produksyon.
Matindi rin ang usura sa rehiyon. May 3,175 na bilang ng nagpapautang kung saan 73% nito ay mga indibidwal na nagpapautang. Sinasamantala rin ng mga institusyong microfinancing ang sitwasyon ng mga magbubukid. Sa isang pag-aaral, umaabot ng 144%-163% ang tubo nito sa loob ng anim na buwan o 24%-27% bawat buwan.
Mayroon ding kaayusang “cash to palay” na pagpapautang na karaniwan sa mga lugar na may malalawak na palayan. Sa kaayusang ito, bawat ₱1,000 na pinapautang bago ang anihan ay dapat bayaran ng dalawang sakong palay kapag nakapag-ani na. Lalabas na ₱10 bawat kilo ang pagbili sa palay kahit na ₱15 na ang karaniwang bilihan nito sa merkado.
Umiiral din ang sistemang prenda o sangla, na nagiging paraan din ng pangangamkam ng lupa. Isa pang halimbawa ng usura sa rehiyon ay ang pagsasangla ng ATM ng mga guro o kaya ay honorarium ng mga upisyal at empleyado ng barangay. Sa isang pag-aaral, nasa 6-9% ang nakukuhang tubo ng usurero bawat buwan batay sa kung anong kwarter ng honorarium ang isasangla.
Umiiral rin ang barat na pasahod kung saan pinakamataas na ang ₱350 na bayad sa mga panday, paghahawan ng palayan at niyugan. Sa pagkokopra, nasa ₱5 bawat puno ang sahod sa pag-aakyat ng bunga, ₱15 bawat 100 piraso sa paghahakot ng niyog, at ₱30-₱35 bawat 100 piraso sa pagbubunot. Sa ibang lugar, kada sako ang bayad sa paghahakot na umaabot sa ₱3 bawat kilo sa mahigit dalawang kilometrong paghakot ng produkto.
Sa pag-aani ng palay, laganap ang kaayusang “winalo” habang may ilan namang “inupat”. Sa kaayusang ito, sa bawat walo o apat na ganta o sako ng naaning palay, pito o tatlo ay mapupunta sa may-ari ng lupa at isa lamang ang sa nag-ani.
Laganap din ang pandaraya sa bentahan ng produkto sa pamamagitan ng pandaraya sa timbang. Sa niyog, mataas ang itinatakdang tantos ng kaltas dahil sa resiko o moisture content. Sa isang pag-aaral, umabot ng 56 na kilo ang kinakaltas sa 600 kilo ng kopra dahil sa pagkwenta sa resika. Kaya sa presyong ₱20 bawat kilo, nasa ₱1,120 ang nakukuha ng panginoong maylupa-komersyante, kada 100 kilo ng kopra.
Sa harap ng patung-patong na suliranin ng mga magsasaka sa Eastern Visayas at sa buong bansa, wala silang ibang direksyon kundi ang kolektibong kumilos para puksain ang pesteng rehimeng Marcos, at bunutin ang pyudal at malapyudal na pagsasamantalang kanilang dinaranas araw-araw.