Muling pagpapaliban sa eleksyong BARMM, tinutulan ng mamamayang Moro
Sa pangatlong pagkakataon, ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang eleksyong parlamentaryo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sanang idaos sa Oktubre 13. Ito ay matapos ideklara ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang Bangsamoro Autonomous Act 77 (BAA 77 o Redistricting Bill), na nagtakdang ilipat ang pitong pwesto sa parlamento na orihinal na nakalaan para sa Sulu sa ibang distrito ng BARMM.
Inatasan ng korte ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na gumawa ng bagong hatian ng mga distrito at isumite ito sa korte sa Oktubre 30. Inilipat din nito ang pagdaraos ng eleksyon sa katapusan na ng Marso 2026. Nangahulugan ito ng pagkalustay sa ₱1.2 bilyong pondo na nagamit na ng Comelec sa paghahanda sa eleksyon.
Tinatanaw ng mamamayang Moro ang muling pagpapaliban bilang isa na namang kabiguan para ipatupad ang tunay na awtonomiya sa kanilang mga teritoryo. Bago pa inilabas ang desisyon, tinutulan na nila ang pagpapatigil ng Comelec sa paghahanda sa bisa ng temporary restraining order ng Korte Suprema laban sa BAA 77. Anila, hindi lamang tungkol sa pagboto ang eleksyon. Mas mahalaga, ito ay pagrespeto sa awtonomiya, paggalang sa mga kasunduan sa kapayapaan at pagpapatibay sa karapatan para sa pagpapasya-sa-sarili ng mamamayang Moro.