Kumakalat ang protesta kontra korapsyon ng rehimeng Marcos

,

Tuluy-tuloy ang pagsiklab ng mga rali at demonstrasyon ng mga demokratikong uri at sektor sa iba’t ibang panig ng bansa sa nagdaang dalawang linggo para patuloy na kundenahin ang malawakang korapsyon ng rehimeng Marcos. Tuntungan nila ang rali ng daan-daanlibong Pilipino sa Luneta Park sa Maynila at kasunod na martsa sa Mendiola.

Sa malaking protesta noong Setyembre 21, sumiklab ang komprontasyon sa Mendiola at kahabaan ng Recto. Nakuhanan sa mga bidyo ang brutal na pagsagupa ng mga pulis sa mga kabataan, paghahampas sa kanila ng batuta, pagsipa at pabalagbag na pagbitbit. Naiulat rin ang pamamaril ng mga pulis at paghagis ng tirgas.

Hindi nasindak ang mga kabataan at mamamayan sa ipinakitang bagsik at brutalidad ng armadong pwersa ng rehimeng Marcos nang marahas nitong buwagin ang protesta at komprontasyon. Hindi bababa sa 277 indibidwal, kabilang ang 91 menor de edad (9 taong gulang ang pinakabata), ang dinampot ng mga pulis.

Namatay ang manggagawa sa konstruksyon na si Eric Saber na timaan ng bala sa leeg ng nagpaputok na pulis. Galing si Saber sa kanyang trabaho sa Pasay City, bumaba sa Recto Station at patawid para sumakay ng dyip nang barilin siya mula sa likod. Nadala siya sa ospital pero namatay din noong Setyembre 23. Namatay din sa kalagitnaan ng komprontasyon ang 15-taong gulang na si Mark Chustin Serbo, kasama sa mga nagprotesta, na sinaksak ng isang 52-taong gulang na sibilyan.

Dumanas ng kalupitan sa kamay ng mga pulis ang mga inaresto at ikinulong. Kabilang sa kanila ay mga bata at kabataan, estudyante, manggagawa, mga empleyado ng BPO, at ilang pinag-initan ng pulis dahil lamang nasa lugar sila ng salpukan. Nagsimula lamang palayain ang mga inaresto noong Setyembre 25 matapos ang pinatagal at inantalang pagpuproseso ng mga pulis at husgado sa kanilang kaso. Marami ay kinailangang magpyansa para makalaya mula sa patung-patong na mga kaso.

Pinalaya rin ang mga menor-de-edad na dinampot at inaresto na itinuring na sangkot sa kaguluhan kahit walang malinaw na imbestigasyon. Ang ilan sa kanila ay iniharap pa ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso sa publiko at midya, labag sa karapatan ng mga bata at tamang proseso sa batas.

Nanawagan ang mga grupo sa karapatang-tao ng buo at independyenteng imbestigasyon para panagutin ang lahat ng sangkot sa karahasan. Kinundena rin nila ang “cover-up” sa mga krimen ng estado laban sa mamamayan.

Kumikilos ang bayan

Patuloy na naghuhugis ang kilusang kontra korapsyon sa porma ng mga walkout, mga piket-protesta na tinatawag na Black Friday Protest, at bayan-bayan na pagkilos ng mga sektor at grupo. Libu-libo ang muling nagpakitang-gilas sa Metro Manila, Isabela, Bulacan, Pampanga, Laguna, Palawan, Naga City, Davao City, Davao Oriental, at iba pang mga syudad at prubinsya.

Kasunod ng serye ng walkout noong unang tatlong linggo ng Setyembre, muling naitala ang makasaysayang mga walkout sa Far Eastern University (1,000), University of Sto. Tomas (1,500), De La Salle University-Manila at College of St. Benilde (1,500), Philippine Normal University (1,000), Isabela State University (500), DLSU-Laguna, UP Visayas (800), Ateneo de Davao University (1,000), Brokenshire College Inc. at Davao Oriental State University. Sigaw ng kabataan maging sa mga konsyerto at mga palaro: “Ikulong na yan, mga kurakot!”

Nag-walkout rin ang daan-daang mga guro at manggagawa sa edukasyon noong Oktubre 3 bilang pagbatikos sa korapsyon at paggunita sa World Teachers’ Day.

Sa Bulacan, na itinuturing na sentro ng katiwalian sa mga proyektong flood control, nabubuo ang malalapad na pagkakaisa ng mamamayan laban sa korapsyon. Kumilos ang mga Bulakenyo sa 12 syudad at bayan sa prubinsya at tumitindig laban sa mga lokal at pambansang ahensya ng gubyerno na nasasangkot sa korapsyon. Nagbubuo sila ng mga grupo at alyansa.

Sinasalamin ng umiigting na mga protesta ang malalim na diskuntento ng mga Pilipino sa harap ng krisis sa ekonomya at pulitika na humahambalos sa naghaharing sistema. Manipestasyon ito ng malawakang sentimyento ng malawak na masa na nagdurusa sa korapsyon at lumulubhang mga suliranin ng malakolonyal at malapyudal na sistema.

Kumakalat ang protesta kontra korapsyon ng rehimeng Marcos