Kaso ni Duterte sa ICC, binabalot sa disimpormasyon

,

Hiniling ng 21 organisasyon ng mga abugado at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa International Criminal Court (ICC) noong Setyembre 29 na patawan ng aksyong pandisiplina ang abugado ni Rodrigo Duterte na si Nicolas Kaufman dahil sa paulit-ulit niyang pambabaluktot at pagkakalat ng maling impormasyon kaugnay sa kaso ni Duterte. Kabilang sa mga grupo ang Karapatan, Duterte Panagutin Network at Rise Up for Life and Rights.

Anila, binaluktot ni Kaufman ang aktwal na mga pangyayari at pahayag para malinlang ang korte. Isa rito ang ipinagkalat niya na sumang-ayon ang prosekusyon, at maging ang gubyerno ng Pilipinas, sa petisyon para sa interim release o pansamantalang paglaya ni Duterte. Pinabulaanan ito pareho ng prosekusyon at ng gubyerno ng Pilipinas.

Ilang linggo bago nito, isinapubliko ng ICC ang tatlong mahahalagang dokumento na sumusuporta sa kaso laban kay Duterte: ang Document Containing the Charges (DCC), isang listahan ng 181 ebidensya, at isang pre-confirmation brief, na may petsang Hulyo 4.

Laman ng DCC ang tatlong counts o bilang ng krimen laban sa sangkatauhan na iniharap sana kay Duterte kung natuloy ang kumpirmasyon ng kanyang kaso noong Setyembre 23. Bagamat kulang at limitado ang isinampang kaso, itinuturing na rin ng mga biktima ang DCC bilang “mahalagang hakbang tungo sa pananagutan.”

Kaso ni Duterte sa ICC, binabalot sa disimpormasyon