Aset sa pagpatay kay Ericson Acosta, iba pa, pinarusahan ng BHB
Pinatawan ng rebolusyonaryong kilusan ng parusa si Garde Francisco, aset paniktik ng 15th IB at mayroong patung-patong na kasong kriminal laban sa rebolusyonaryong kilusan at mga sibilyan.
Napatay siya sa pagsalakay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr) sa kanyang bahay sa Sityo Lumbia, Barangay Kamansi, Kabankalan City, Negros Occidental noong Oktubre 3 ng gabi.
Imbwelto si Fransisco sa tatlong malalaking kaso ng pagpaslang sa mga sibilyan, rebolusyonaryong lider at Pulang mandirigima sa isla ng Negros.
Isa sa kanyang mga kaso ang pagtulong sa militar sa pagpatay kay Ericson Acosta, konsultant sa kapayapaan ng National Democratic Front (NDF)-Negros, at kasama niyang lider-magsasaka na si Joseph Jimenez sa Barangay Kamansi noong Nobyembre 30, 2022.
Imbwelto rin si Francisco sa pagmasaker ng mga armadong tauhan ng estado sa hindi armadong mga upisyal sa gawaing medikal ng BHB, kasama ang isang 6-buwang buntis, at isang sibilyang drayber sa Barangay Tabugon noong Setyembre 21, 2023. Sangkot rin si Francisco sa kaso ng pagkamartir ng Kabankalan 7 sa Barangay Tapi noong Abril 27.
Ayon kay Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Southwest Negros, ang armadong aksyon ay bahagi ng pagkakamit ng hustisya sa mga biktima ng pag-atake ng estado at magsisilbing paalala rin sa mga may “utang na dugo” sa rebolusyon. “Hindi malilimutan ang kasaysayan ng inyong mga krimen, at ipaglalaban ng BHB ang hustisya,” aniya.
Sa Samar, unang nakapamutok ang BHB-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) laban sa nag-ooperasyong tropa ng 8th ID sa Sityo San Pedro, Barangay Poblacion 3, San Jose de Buan noong Setyembre 27 ng hapon. Isang sundalo ang napatay at marami ang nasugatan sa mga berdugo.
Sa Oriental Mindoro, binigo ng BHB-Mindoro (Lucio de Guzman Command) ang pag-atake ng tropa ng 203rd IBde at 2nd CMO Battalion sa pansamantalang himpilan nito sa Sityo Badyang, Barangay San Roque, Bulalacao noong Oktubre 1. Organisadong nakaganti ng putok ang hukbong bayan na nakapagdis-organisa sa kaaway dahilan para sila ay umatras.
Noong Setyembre 25, nakapagdepensa rin ang BHB-Mindoro laban sa umaatakeng pwersa ng 203rd IBde sa Sityo Barayong, Barangay Manuol, Mansalay. Tatlong sundalo ng 203rd IBde ang napatay sa labanan, habang marami pang ibang nasugatan.