Planong pagpasok ng GMO sa Negros, nilalabanan ng mamamayan
Binuo kamakailan ng mga Negrosanon ang GMO-Free Negros Coalition, isang asosasyon ng 82 indibidwal at organisasyon mula sa sektor ng magsasaka, non-governmental organization, taong simbahan, estudyante, akademiko, may-ari ng mga hotel at restawran at pribadong sektor para tutulan at labanan ang panukalang pagpasok ng mga tanim na GMO (genetically-modified organism) sa prubinsya.
Iginigiit nilang dapat sundin ang mga ordinansa na nagbabawal sa pagpasok, pagtanim, pagpapalaki, pagtesting at distribusyon ng buhay na GMO sa isla.
Noong 2023, nagpahayag ng interes ang San Miguel Corporation na mamuhunan sa prubinsya para sa pagawaan ng patuka at proyektong manukan. Upang matuloy ang proyekto, naghain ng panukalang ordinansa noong Agosto 26 ang lokal na pamahalaan upang mapahintulutan ang pagtatanim ng mga korporasyon ng GMO na mais.
Noong Setyembre 30, nagbigay ng apat na position paper ang koalisyon sa sangguniang panglalawigan upang hamunin ang panukalang ordinansa. Naglunsad din ng pagkilos ang mga kabataang estudyante mula sa iba’t ibang konseho, organisasyon at publikasyon noong Setyembre 18 sa Bacolod City upang ipahayag ang kanilang pagtutol.
Nagpahayag din ng mariing pagtutol dito ang National Democratic Front-Negros. Anito, mas lalong malulugmok ang mga magsasaka sa kahirapan kung hahayaang pumasok ang GMO sa prubinsya dahil mapipilitan silang umasa sa mga imported na butil ng GMO at mga input na kontrolado ng dayuhang korporasyon. Mapanganib din sa kalusugan ang GMO dahil sa epekto nito sa katawan tulad ng allergy, antibiotic resistance, cancer at pangmatagalang pagkasira ng internal organ ng tao.