JMS Legacy Museum, pinasinayaan sa The Netherlands
Pormal nang binuksan ang Jose Maria Sison (JMS) Legacy Museum sa Utrecht, The Netherlands noong Setyembre 19. Ang pagpapasinaya ay pinangunahan ni Ka Julie de Lima, byuda at kapwa-rebolusyonaryo ni Ka Joma, kasama ang mga kaibigan, mga tagasuporta at lokal na upisyal ng syudad.
Ang JMS Legacy Museum ay isang espasyo na magtatampok sa buhay at mga pamana ni Ka Joma. Pinangangasiwaan ito ng JMS Legacy Foundation, na umaasang makapagbibigay inspirasyon ang museo sa mga susunod na henerasyon.
Masusulyapan sa museo ang buhay ni Ka Joma bilang isang matapat na rebolusyonaryo, tunay na internasyunalista, iginagalang na intelektwal, at kilalang makata. Makikita rito ang ilang mga bidyo ng huling panayam ni Ka Joma, kanyang mga larawan, dokumento at iba pa. Bukas ang museo para sa mga nais pumunta at bumisita.