Marcos, numero unong peste sa mga magbubukid
Tuwing Oktubre, ginugunita ng bayan ang buwan ng mga magbubukid. Ngayong taon, doble kayod ang rehimeng Marcos sa pagpapapogi, matapos ang lampas tatlong taon ng mga palpak at pahirap na mga programa sa agrikultura. Itinuturing siya ng mga magsasaka bilang numero unong peste, higit pa sa mga sakunang humambalos sa kanilang sakahan, na nagpapahirap sa kanilang kabuhayan.
Sa sunud-sunod na pananalasa ng mga bagyo noong Setyembre, inilagay ng gubyerno ang pinsala sa agrikultura sa konserbatibong ₱2.3 bilyon. Pinakaapektado nito ang mga palayan. Kaugnay nito, nagpakana si Marcos ng “emergency palay procurement” para umano ayudahan ang mga magsasaka ng palay.
Ayon sa mga magbubukid, huling-huli na ang programa ni Marcos dahil nagdurusa na ang mga magbubukid ngayong panahon ng anihan. Sa bayan ng Guimba sa Nueva Ecija, 80% ng palay ang naani na at ibinenta sa napakababang halaga. Sa tala ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sumadsad hanggang ₱7 kada kilo ang bilihan sa basang palay habang nasa ₱13-₱14 kada kilo ang presyo ng ibinalad na palay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Lalo kaming naghihirap. Hindi na kami makaahon, sinagad na hanggang leeg. Mas mahirap pa ang kalagayan namin kaysa sa kalabaw na nakalublob,” pahayag ng isang magbubukid sa Guimba.
Habang lubog sa baha at kumunoy ng kahirapan, sampal sa mga magbubukid ang nalantad na malawakang korapsyon ng mga burukratang kapitalista sa pondo ng bayan, partikular na sa mga proyektong flood control at imprastruktura. Maraming lugar sa kanayunan ang labis na nagdurusa dala ng hindi pinag-isipan at maaanomalyang mga proyekto.
Ang kahirapang ito ay pinatindi pa ng Rice Liberalization Law at malaganap na kawalang-lupa ng magbubukid. Sa huling konserbatibong taya ng estado, nasa 72% sakahan ang hindi buong pinag-aarian ng mga magbubukid. Pinalala ito ng New Agrarian Emancipation Act at Support to Parcelization of Lands for Individual Titling na bagong pagpapakete lamang sa bulok na Comprehensive Agrarian Reform Program.
Laganap ang pagpapalayas at pangangamkam para sa pagpapalit-gamit sa lupa sa balangkas ng Build-Better-More (BBM), pagmimina, mga proyekto para sa renewable o green energy, at iba pa. Palulubhain pa lahat ito ng kamakailang isinabatas na 99-year Foreign Land Lease.