Ipagbunyi ang ikalawang taong anibersaryo ng Al Aqsa Flood! Kalayaan para sa Palestine!
Sa darating na Oktubre 7, gugunitain ng mundo ang ikalawang taong anibersaryo ng makasaysayang Al Aqsa Flood, ang armadong opensiba mula sa lupa, dagat at himpapawid ng mga pwersang Palestino, na pinamunuan ng Hamas at ng Izz ad-Din al-Qassam Brigades, laban sa mananakop na Israel.
Pinasiklab ng opensiba ang hangarin ng mamamayang Palestino para wakasan ang 75-taong gerang agresyon ng Israel. Suportado ng US ang okupasyon sa mga teritoryong Palestino, kabilang ang nagpapatuloy na pagkubkob sa Gaza, at mga pag-atake sa mga komunidad sa West Bank.
Sa sumunod na dalawang taon, walang puknat na binomba ng Zionistang Israel, sa tulong ng imperyalismong US at mga alyadong bansa sa Europa, ang sibilyang populasyon ng Gaza. Dinurog nito ang mga ospital, simbahan, paaralan, apartment, gusali at maging mga evacuation center.
Umabot sa mahigit 66,500 Palestino ang pinaslang, 18,500 ay mga bata. Namatay naman ang 453 dahil sa malnutrisyon at gutom. Nasa 254 na mga mamamahayag ang pinaslang. Noong Marso, tuluyan nang hinarang ng Israel ang pagpasok ng ayuda sa syudad, habang ginamit ng sundalong Israeli at mga mersernaryong Amerikano ang pamamahagi nito upang patayin ang mga Palestino. Noong Setyembre, bagamat lubhang nahuhuli, idineklara ng United Nations Commission of Inquiry ang ginagawa ng Israeli sa Gaza bilang henosidyo.
Palayain ang Palestine!
Saksi ang mamamayan sa buong mundo sa kawastuhan ng armadong pakikibaka ng mga Palestino upang lumaya mula sa okupasyon at henosidyo ng Zionistang Israel. Nagbuklod ang mga mamamayan para ipakita ang kanilang galit sa henosidyo, habang itinutulak ang kani-kanilang gubyerno na tumindig para sa mga Palestino. Libu-libong pagkilos na may iba’t ibang porma, sa iba’t ibang panig ng mundo, at nilalahukan ng milyun-milyong mamamayan ang walang upat na inilunsad. Nagsama-sama ang mga bansa mula sa Africa, Asia at Latin America upang maglunsad ng kampanyang ligal laban sa okupasyon, para panagutin ito sa mga krimen sa digma.
Noong Nobyembre 2024 naglabas ang International Criminal Court ng mandamyento de aresto laban kay Prime Minister Benjamin Netanyahu ng Israel at kay Yoav Gallant, dating ministro ng depensa para sa kasong krimen sa digma at krimen laban sa sangkatauhan. Sa darating na Nobyembre, idaraos ang International People’s Tribunal para sa Palestine ng International League of Peoples’ Struggle at International Association of Democratic Lawyers upang isadokumento at hatulan ang mga krimen sa digma, henosidyo, ecocide at malawakang paggutom ng Israel at ng US laban sa mga Palestino.
Noong Agosto, naglayag ang tinaguriang Global Sumud Flotilla, na binubuo ng 44 barko na may lulan na higit 400 katao, upang maghatid ng serbisyo at ayuda sa Gaza. Bagamat naharang ng Israel Defense Forces (IDF) ang mga barko noong Oktubre 2, nanindigan ang mga kalahok nito na hindi sila titigil sa pagbasag sa pag-atake ng Israel sa Gaza.
Maging ang mga mamamayan ng Israel ay lumalaban at tumututol sa mga hakbangin ng sarili nilang gubyerno. Maraming kabataang Israeli ang pinipiling magpakulong sa halip na pumaloob sa IDF.
Sa Pilipinas, patuloy na kumikilos ang mga organisasyon upang magbigay ng suporta at pakikiisa sa laban ng mga Palestino, tulad ng Youth for Palestine at Palestine-Philippines Friendship Association. Naglunsad din ng kampanya para pigilan ang rehimeng US-Marcos sa pagbili ng armas sa Israel. Maging sa ibang bansa, naging bahagi ang mga Pilipinong migrante sa mga pagkilos para sa pagpapalaya ng Palestine.
Sa kasalukuyan, nasa proseso ng negosasyon ang Hamas, ang Israel at US, batay sa binuong programa para sa usapang pangkapayapaan para sa Gaza ni Donald Trump, presidente ng US, na walang pagsaalang-alang sa mismong mamamayan nito.
Sa kabila ng paglipol na nararanasan ng mga Palestino, patuloy pa rin ang kanilang paglaban sa pamamagitan ng armado at hindi armadong pakikibaka. Ayon kay Leila Khaled, myembro ng Popular Front for the Liberation of Palestine, tiyak na darating din ang paglaya ng mga Palestino dahil kasama nila ngayon ang mamamayan ng mundo na patuloy na lumalaban hanggang tunay nilang makamit ang kalayaan mula sa henosidyo at okupasyon.