Armadong sigalot at henosidyo sa Sudan, dulot ng imperyalistang proxy war

,

Patuloy na nalulugmok sa kaguluhan ang Sudan mula nang sumiklab noong 2023 ang digmaan sa pagitan ng Sudanese Armed Forces (SAF) at Rapid Support Forces (RSF). Mahigit 150,000 katao na ang napatay sa gera, at milyun-milyon pa ang napilitang lumikas.

Nasa 25 milyong Sudanese ang dumaranas ng matinding kakulangan sa pagkain. Itinuturing ang bansa na may isa sa pinakamalulubhang krisis sa kagutuman sa buong mundo.

Ayon sa International League of Peoples’ Struggle (ILPS), hindi simpleng tunggalian ng lokal na mga pwersa ang nagaganap sa Sudan. Isa itong proxy war sa pagitan ng imperyalistang US at ng Russia at kani-kanilang mga alyado. Layunin ng US na kontrolin hindi lamang ang gubyerno ng Sudan at ang yamang-mineral ng bansa.

Pangunahing sinusuportahan ng US, sa pamamagitan ng United Arab Emirates (UAE) ang RSF. Katuwang nito ang Mossad, ahensyang paniktik ng Zionistang Israel, sa pagsasanay sa armadong grupo. Pinasisiklab ng US ang sigalot upang pahinain ang pagkakaisa ng mga bansang African at Arab at panatilihin ang kontrol nito sa likas na yaman ng rehiyon, laluna sa ginto at langis. Pinayagan din ng US ang mga papet nito sa Middle East na makinabang sa bentahan ng armas sa magkabilang panig.

Makikita rito na ang US ang pangunahing may pananagutan sa krisis at antas-henosidyong karahasan sa Sudan, ayon sa ILPS.

“Ang krisis sa Sudan ay repleksyon ng mga naunang interbensyong imperyalista sa Iraq, Libya, at Syria,” anito. Katulad ito sa mga digmaang isinagawa sa ngalan ng demokrasya pero sa katotohanan ay para sa interes ng US at mga alyado nitong bansa. Bahagi rin ito ng mas malawak na kampanya ng US at kanilang mga alyado para hatiin at kontrolin ang mga bansa sa Africa at West Asia. Kasama rito ang mga gera sa Democratic Republic of the Congo at ang pananalakay sa Yemen at Palestine, na parehong umaatake sa karapatan ng mga mamamayan sa sariling pagpapasya.

Armadong sigalot at henosidyo sa Sudan, dulot ng imperyalistang proxy war