Garapalang pandarambong ni Marcos sa kaban ng bayan

,

Hindi maikakaila na si Ferdinand Marcos Jr ang utak at pinakamalaking buwaya na dapat papanagutin sa malawakang korapsyon sa gubyerno. Sa nakaraang halos tatlong buwan, tuluy-tuloy na nabunyag ang mga katiwaliang direkta niyang kinasasangkutan, ng kanyang pamilya at pinakamalalapit na upisyal. Nasa bingit ng kamatayan ang ICI, ang itinayo niyang komisyon para pahupain ang galit sa korapsyon at linisin ang kanyang pangalan.

Katuwang ang kanyang mga upisyal sa mga kagawaran at kasapakat sa kongreso at senado, ibinalik niya ang sistema ng pork barrel fund sa anyo ng mga “allocable.” Kumopo siya ng bilyun-bilyong sariling pork barrel sa anyo ng confidential and intelligence funds, at pondo para sa unprogrammed appropriations (UA). Nahaharap siya sa mga anomalyang maaaring pagbatayan para siya ay i-impeach.

Paggamit ng UA sa flood control

Nitong Disyembre, isiniwalat ni dating Justice Antonio Carpio ng Korte Suprema ang patunay ng ugnay ng paglilipat ng pondong Philhealth at mga maanomalyang proyektong flood control. Noong 2024, naging bahagi ng UA ni Marcos ang ₱60 bilyong pondo ng PhilHealth na “ibinalik” sa gubyerno. Liban dito, inilipat din sa UA ang ₱170 bilyong kita ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC). Ginamit ni Marcos ang UA na ito para pondohan ang palpak at ghost na mga proyektong flood control (₱170 bilyon) at iba pa tulad ng Davao Bypass Road Project.

Ayon kay Carpio, labag sa konstitusyon ang ginawang paglilipat ng pondo sa UA ni Ralph Recto, dating kalihim sa pinansya at ngayo’y executive secretary ni Marcos.

Nagdesisyon kamakailan ang Korte Suprema na iligal ang paglilipat at ipinababalik ang pondo sa PhilHealth.

Kikbak, ismagling at manipulasyon ng presyo

Mula Nobyembre 14, pitong bidyo ang inilabas ni Elizalde Co, dating kinatawan ng Ako Bicol Partylist at pinuno ng komite sa badyet sa Kongreso, na nagsiwalat sa korapsyon ng pamilyang Marcos. Sa unang tatlong bidyo, isiniwalat ni Co ang pag-utos sa kanya ni Marcos na isingit sa badyet para sa 2025 ang mga proyektong nagkakahalaga ng ₱100 bilyon. Tinatayang kumubra si Marcos dito ng ₱25 bilyong kikbak. Ayon kay Co, nakapagdeliber siya ng higit ₱50 bilyon na halaga ng katulad na kikbak kina dating house speaker Rep. Martin Romualdez at Marcos mula 2022.

Sa hiwalay na bidyo, isinawalat ni Co ang pag-utos sa kanya ng anak ng presidente na si Rep. Sandro Marcos na magsingit ng ₱50.9 bilyon sa mga badyet mula 2023 hanggang 2025 para sa sarili niyang kikbak. Sa isa pang bidyo, idinawit ni Co ang asawa ni Marcos na si Liza Araneta-Marcos sa malawakang ismagling ng bigas, isda at gulay. Aniya, pinigilan ni Araneta-Marcos ang imbestigasyon noon sa Kongreso sa ismagling ng bigas at sibuyas. Ito ay para pagtakpan ang papel ng kanyang kapatid na si Martin Araneta na pasimuno ng ismagling at manipulasyon ng presyo ng bigas at mga gulay mula 2022.

“Allocable” bilang bagong pork barrel

Mula 2022, isiningit ng rehimeng Marcos, kasabwat ang mga kongresista at senador, ang pork barrel sa badyet sa tinawag nitong mga “allocable” o “pwedeng ilaan.” Sa simpleng salita, ang allocable ay itinakdang halaga na mapupunta sa bawat kongresistang pandistrito. Nakalakip ito sa National Expenditure Program ng pangulo sa ilalim ng badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Makukubra ng isang kongresista ang kanyang “allocable” sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga mungkahing imprastruktura na babasbasan naman ng pangulo.

Sa imbestigasyon ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), lumabas na si Rep. Marcos ang may pinakamalaking allocable (₱15.79 bilyon) mula 2023 hanggang 2025. Pumapangalawa sa kanya ang kanyang tiyuhin na si Rep. Romualdez na nakakopo ng ₱14.43 bilyon. Umaabot sa ₱1.2 trilyon ang kabuuang allocable na pinaghatian ng 254 kongresista sa 14 rehiyon sa nakaraan tatlong taon.

Laman pa rin ng badyet para sa 2026 ang mga allocable. Naglaan ang Kongreso para sa sarili nito ng ₱400 bilyon. Pinalitan ng mga kongresista ang hiling nilang mga proyektong flood control tungong mga proyektong farm-to-market road, irigasyon, klasrum, mga pasilidad pangkalusugan, pabahay at gusaling pampaliparan. Ito ay para iwasang matanggal sa badyet ang kanilang pondo. May nakalaan ding ₱100 bilyon na non-allocable na tinaguriang “free-for-all” na pork barrel.

Garapalang pandarambong ni Marcos sa kaban ng bayan