Teoretikal na Kumperensya 5 Pasismo sa pusod ng mga bansang imperyalista
Matagumpay na idinaos ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang ikalimang internasyunal na teoretikal na kumperensya na may temang Pasismo sa Ika-21 Siglo sa Pusod ng mga Bansang Imperyalista. Isinagawa ito mula Nobyembre 28 hanggang 29 sa Utrecht, The Netherlands.
Dinaluhan ang kumperensya ng 125 indibidwal mula sa 71 partido komunista at organisasyong masa. Dalawampu sa mga partido at grupong ito ang nagsumite ng mga kontribusyon na tinalakay sa kumperensya. Inialay ng NDFP ang kumperensya sa alaala ni Ka Louie Jalandoni, proletaryong internasyunalista at martir ng rebolusyong Pilipino.
Tumuntong ang 2-araw na kumperensya sa teoretikal at istorikal na pag-unawa sa pasismo mula sa mga sulatin nila Lenin, Stalin at Mao. Pinagtibay nito ang kahulugan ng pasismo alinsunod sa konsepto ni Georgi Dimitrov, isang komunistang Bulgarian na nagsilbing pinuno ng Communist International noong dekada 1930. Ani Dimitrov, ang makauring katangian ng pasismo ay nasa anyo ng “hayag na diktadura ng pinakareaksyunaryo, pinakasobinista at pinaka-imperyalistang elemento ng kapitalismo sa pinansya.” Katangian ng monopolyo kapitalismo na lugmok sa krisis ang pagiging anti-komunista, ultra-reaksyunaryo at pagiging marahas sa pagsupil sa uring manggagawa.
Tinalakay sa kumperensya ang muling pagbwelo ng pasismo dulot ng krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema, laluna matapos ang krisis sa pinansya noong 2008-2009. Tinukoy nila ang mga manipestasyon ng pasismo at pasisasyon sa mga imperyalistang bansa na nakatuon sa sumusunod: 1) pasisasyon ng burgis na estado; 2) paggamit ng AI (artificial intelligence) at abanteng teknolohiya para supilin at lalong pagsamantalahan ang uring manggagawa; 3) pagtindi ng sobinismo at reaksyunaryong mga ideolohiya; at, 4) pag-usbong ng mga pasistang kilusang masa.
Ang pasisasyon ng burgis na estado ang proseso kung saan nahuhubaran ang burgis na liberal na demokrasya at nalalantad ang mas awtoritaryan at mapanupil na mga hakbang tungong hayag na paghahari ng teror.
Nagkaroon ng masiglang palitan tungkol sa interaksyon ng pasismo sa mga imperyalistang bayan at sa mga neokolonya, kung saan batayang katangian ng estado ang pasismo. Sa mga malakolonya unang sinusubok at ipinatutupad ng imperyalismo ang mga eksperimento sa paggamit ng terorismo ng estado. Ginagamit nito ang programang kontra-insurhensya, ayudang militar at manipulasyon at mararahas na panunupil sa mga mamamayan.
May partikular na talakayan sa natatanging karanasan ng Ireland, na nagtuturing sa sarili bilang kapitalistang malakolonya, at Palestine, isang okupadong bansa. Sa mga kilusang mapagpalaya ng mga bansang ito, magkasanib ang anti-pasista at anti-imperyalistang paglaban.
Tinukoy ng kumperensya bilang kagyat na tungkulin ng proletaryo ang pagtatayo ng “palabang mga organisasyon” para tapatan ang binuong “palabang mga organisasyon” ng mga pasistang kilusan. Nagbigay ang mga kasama mula sa mga imperyalistang bansa ng mga halimbawa ng mga kongkretong anti-pasistang paglaban.
Inilahad nila ang mga aral mula sa kanilang gawaing masa, mga adbokasiya, pagtatanggol sa sarili at pag-oorganisa sa loob ng mga unyon, partido, organisasyon at kilusan. Idiniin nila ang pangangailangan ng pagtatayo ng malawak na anti-pasistang nagkakaisang prente ng mga manggagawa at ibang demokratikong sektor. Anila, ang pagtatayo ng alyansang ito ay nangangahulugan ng pagtatakwil ng sektaryanismo at konserbatismo, habang mapagbantay sa mga sosyal demokrata at iba pang oportunistang elemento. Batid nilang integral ang pamumuno ng proletaryo sa nagkakaisang prente sa pag-uugnay ng mga pakikibakang masa sa pagpawi ng ugat ng pasisasyon. Susi ang pamumunong ito sa pagbuwag sa monopolyo kapitalismo at diktadura ng burgesya.
Kumbinsido ang mga kalahok mula sa mga imperyalistang bansa na kailangang itayo ang matatatag na partido ng mga manggagawa. Kailangang ipatupad ang mga operasyong nakakubli, kakumbina ang mga gawain hayag, para makatagal sa harap ng mga pasistang atake at kamtin ang mga tagumpay para sa uring manggagawa. Kailangan ding higit na palawakin ang pagkakaisa sa mga pakikibaka sa pusod ng mga bansang imperyalista at mga malakolonya.
Nagtapos ang kumperensya sa isang maiksing kultural na programa na may temang “Mula sa Palestine hanggang Pilipinas, wasakin ang makinang pandigma ng US,” kasabay ng paggunita sa International Day of Solidarity with the People of Palestine.