Koresponsal Edukasyon para sa komunistang paghuhubog ng mga mandirigma
Sa hukbong bayan, mahalaga ang pag-aaral upang mahubog ang mga mandirigma bilang mga proletaryong rebolusyonaryo.
Sa Luntian, isang yunit ng BHB sa Southern Tagalog, tinitiyak ng komite ng Partido sa loob nito na naitataas ang antas ng teoretikong paggagap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo. Mahigpit nitong iniuugnay ang teorya sa kongkretong rebolusyonaryong praktika ng yunit.
“Ang naging hamon sa pagpapatupad ng gawaing edukasyon sa hukbong bayan ay ang pinakikitunguhang sitwasyong militar,” ani Ka Reymundo, kumander ng yunit. Halos isang taong tuluy-tuloy ang maniobra ng Luntian dahil sa pinaigting na mga operasyon ng Armed Forces of the Philippines. Dumami ang ipinakat na mga tropa nito sa larangang gerilya. Pinaigting rin ang paggamit nito ng makabagong mga armas at teknolohiya.
Pagpapasigla ng edukasyong pampartido
Nakatuon ang kampanyang edukasyon ng Luntian sa pagbabalik-aral sa kasaysayan at mga saligang pagsusuri at linya ng Partido. Pagtalima ito sa praktikal na gabay sa itinakda ng Partido na kilusang pagwawasto. Mula 2024, inilunsad sa yunit ang regular at espesyal na mga kurso para balik-aralan ang mga kamalian at kahinaan, at linangin ang mga kasama bilang mga komunista. Kabilang sa mga kurso ang Burukratismo, Kumandismo at Liberalismo, Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Itayo ang Partido, Komunista, Maging Abanteng Elemento ng Proletaryado, Saligang Batas ng Partido at Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan.
Sinasabayan ang mga pag-aaral ng programang Kolektibong Basa at Kolektibong Talakayan (KBKT) ng mga araling dokumento. Ito ay para mapamilyarisa ang mga mag-aaral sa nilalaman ng mga kurso. Nahikayat nito ang mga kasamang dating walang hilig sa pagbabasa o talakayan. Kapag nakakaligtaan, mismong ang mga mandirigma ang nagtatanong: “Wala ba tayong KBKT?”
Naging arawang aktibidad din ang Rebokabularyo. Ipinakikilala at ipinaliliwanag sa aktibidad na ito ang mabibigat na mga termino, batas, at signipikanteng personahe na nasa mga araling paksa kada araw.
Tuwing dumarating, maagap na tinatalakay ang mga mensahe ng Komite Sentral at Komiteng Rehiyon sa mga anibersaryo ng Partido at Hukbo. Dinadaluhan ang mga ito ng mga kadre at kasapi ng Partido sa iba’t ibang antas, at pati ng rebolusyonaryong masa.
Pumapana sa mga kahinaan
Mahigpit na iniuugnay sa kongkretong rebolusyonaryong praktika ng mga kasama ang mga pag-aaral. Hinuhugot ang mga halimbawa mula sa aktwal na karanasan ng yunit at praktika ng mga kasama.
Dahil dito, nagiging daluyan ang mga pag-aaral ng unipikasyon ng mga pagtatasa at paglalagom sa mga usaping kinaharap ng yunit.
Nahihikayat ang mga kasama na balikan ang sariling rebolusyonaryong praktika sa panahon ng mga pag-aaral at gamitin itong gabay sa paglalagom sa sarili. Sa panahon ng mga talakayan, mas maluwag na naihaharap sa mga kasama ang mga kamalian at kahinaan ng mga indibidwal.
“Maraming beses akong tinatamaan sa pag-aaral, sa mga dapat gawin, at kung ano talaga ang ibig sabihin ng buong-pusong paglilingkod,” ayon sa isang estudyante sa pagtatasa ng pag-aaral na pumaksa sa mga pamamaraan paano magpakahusay bilang proletaryado.
Pagbaka sa empirisismo
Ang pagtataas ng praktika sa teoretikong antas ng mga kasama ay susi sa pagbaka sa empirisismo. Gabay ito sa mga pagtatasa at paglalagom. Layunin nitong magbunsod ng mas mataas na rebolusyonaryong praktika.
Sa mga pag-aaral, hinihikayat ang mga kasama na maging mas kritikal sa sarili at sa ibang kasama hinggil sa mga maling estilo ng paggawa. Malaki ang tulong ng mga ito sa pagbaka ng maraming indibidwal at kolektibong kahinaan ng yunit. Susi rin ang mga ito sa pagresolba ng mga tunggalian na nagmumula sa magkakaibang ideya, praktika at estilo.
“May mga tunggalian sa pagtutukoy ng tama at mali sa praktika, pag-iral ng empirisismo at indibidwalismo, na tuluy-tuloy na binabaka ng yunit,” ayon kay Ka Reymundo. Sa tingin niya, may pag-unlad na sa mga tunggaliang ito. Unti-unti nang nagbabago ang mga maling gawi at praktika ng mga kasama.
“Mas mahigpit na ang yunit sa pagpapatupad ng mga kaisahan,” aniya.