Maghanda sa susunod na yugto ng kilusang protesta laban sa korapsyon at pasismo ng rehimeng Marcos
Humigit-kumulang tatlong buwan ang itinagal ng dumaang unang yugto ng kilusang protesta laban sa korapsyon at burukratang kapitalismo. Una itong sumiklab noong Setyembre, at humantong sa pambansang koordinadong demonstrasyon nitong nagdaang Nobyembre 30. Bawat linggo sa pagitan ay may mga walkout at demonstrasyon ng mga estudyante sa mga unibersidad mula hilagang Luzon hanggang sa mga syudad ng Kabisayaan at Mindanao. Sa iba’t ibang komunidad, bayan, pagawaan, tanggapan at mga simbahan, nagrali at nagmartsa ang iba’t ibang sektor na binuklod ng komun na pagkasuklam sa korapsyon at bulok na sistema.
Nagsimula sa iskandalo ng bilyun-bilyong pisong kikbak sa maaanomalyang flood control projects, hindi naglaon, tumambad ang iba pang singsahol na anyo ng korapsyon sa gubyerno. Nalantad ang maanomalyang “farm-to-market road” at iba’t ibang ipinatayong mga imprastruktura. Nalantad din ang daan-daan bilyong pisong mga “alokabol” sa pambansang badyet, at iligal na paggamit ni Marcos sa pondo ng PhilHealth.
Nagsimula sa panawagang “lahat ng sangkot, dapat managot” at pagbatikos sa mga upisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kasabwat na kontraktor, kongresman at mga senador. Hindi nagtagal, sigaw ng mga kabataan at ng iba’t ibang sektor, “Marcos, Duterte patalsikin!,” matapos mabunyag na mismong si Marcos ang Haring Mandarambong na nasa tuktok ng gabundok na nakaw na yaman, at si Sara Duterte ang Reyna ng Korapsyon na naglustay ng daan-daang milyong pondo ng mamamayan. Usap-usapan ngayon ang pagtatayo ng pambansang konsehong pantransisyon, upang igiit ang interes ng mga demokratikong sektor sa anumang ihahaliling gubyerno.
Ang pagbaha ng protesta mula Setyembre ay maikumkupara sa makasaysayang mga pagdaluyong ng protesta sa bansa. Sa nagdaang mga dekada, ilang ulit sumiklab ang makapangyarihang mga kilusang bayan, na dalawang ulit nakapagpabagsak sa nakaupong presidente (Marcos noong 1986 at Estrada noong 2001). Dagdag sa mga ito ang makabayang pag-aaklas ng mga kabataan noong First Quarter Storm noong 1970, mga welgang bayan noong 1989-1990, mga rali laban sa korap at pasistang rehimeng Arroyo at malawakang demonstrasyon kontra sa pork barrel noong 2013-2014.
Salamin ng malawak at malalim na galit ng taumbayan ang pagsiklab ng kilusang protesta. Ang mabilis na pagbulwak nito ay tanda ng kumukulong galit ng taumbayan sa walang awat na pagsirit ng presyo, pagpako ng sahod at pangkalahatang pagbulusok ng kanilang kabuhayan, sa ilalim pa ni Duterte at laluna mula nang maupo si Marcos. Lalong nag-alab ang galit ng bayan sa harap ng malawakang salanta mula Cebu hanggang Palawan dala ng bagyo at mga bulok na proyektong flood control. Ang pagbulsa sa bilyun-bilyong pisong pera ng bayan ay gumatong sa hindi nawawalang pagkasuklam ng taumbayan sa magnanakaw na pamilyang Marcos.
Nasadlak sa malalim na pampulitikang krisis ang rehimeng Marcos dahil sa pagragasa ng mga kilos protesta. Lalo itong nayanig nang ibinunyag na tumanggap mismo si Marcos ng hindi bababa sa ₱25 bilyong kikbak o “SOP” kapalit ng mga proyektong pang-imprastrukturang ipinag-utos niyang ipasok sa badyet. Sa tangkang tabingan si Marcos, ilang matataas niyang upisyal ang isinakripisyo at pinagbitiw. Kabilang sa kanila ang pinuno ng gabinete na napangalanang sangkot sa anomalyan.
Binuo ni Marcos ang “independyenteng komisyon” para diumano mag-imbestiga sa mga anomalya, pero para lamang ikubli ang papel ng Malacañang sa korapsyon. Para magpasiklab at pahupain at ilayo sa kanya ang galit ng bayan, itinutulak ngayon ni Marcos na kasuhan at arestuhin ang ilang malaking kontraktor at kilalang mga pulitiko.
Umaastang anti-korapsyon si Marcos alinsunod sa payo ng imperyalistang amo upang alisan ng hangin ang kilusang protesta kontra korapsyon. Katuwang niya ang ilang lider ng Akbayan na todo ang pagsisikap na ilihis ang kilusang anti-korapsyon mula sa pagpapanagot kay Marcos at tabunan ang panawagan para sa kanyang pagbibitiw. Sa payo pa rin ng US, ipinag-utos ni Marcos ang muling pagtataas ng sweldo ng mga sundalo at pulis, sa layong ikonsolida ang kanyang kontrol sa AFP at PNP, at mas mahigpit na magamit ang mga ito sa brutal na todo-gera laban sa masang magsasaka sa kanayunan at pagsupil sa nagbabadya pang paglawak ng mga protestang bayan sa darating na panahon.
Matapos tuluy-tuloy na sumulong mula Setyembre, nasa yugto ngayon ng konsolidasyon ang kilusang protesta laban sa korapsyon at burukratang kapitalismo—ng pagpapalakas at paghahanda para sa muling pagbwelo. Hamon sa mga pwersang pambansa-demokratiko na nasa unahang hanay ng kilusang protesta na maglagom at humalaw ng mga aral mula sa nagdaang tatlong buwan. Hamon na patatagin at palawakin ang kanilang mga samahan, ibayong palaparin ang kanilang mga alyansa at pagtibayin ang paninindigan at determinasyong labanan ang korapsyon ng rehimeng US-Marcos.
Hamon sa kanilang tuluy-tuloy na maghanda sa susunod na yugto sa pamamagitan ng pag-abot at pag-organisa sa higit na maraming pagawaan, maralitang komunidad, paaralan at iba pang sentro ng populasyon sa buong bansa, at paramihin ang mga aksyong protesta ng masa sa kanilang mga lokalidad. Hamon na palalimin ang pag-unawa burukrata-kapitalismo, sa iba’t ibang anyo nito, at sa mga ugat na suliranin ng paghihirap ng bayan. Ilang ulit na palawakin ang alyansang anti-korapsyon at pahigpitin ang pagkakaisa laban sa paghahari ng mga Marcos at Duterte. Hamon din na ilantad ang mga pekeng progresibong lider at mga ultra-konserbatibo upang makabig ang masang kontra korapsyon na nililinlang at inililihis nila sa maling landas ng pagsumamo sa hari ng korapsyon.
Hamon sa Partido at mga rebolusyonaryong pwersa na magpalakas sa gitna ng nagpapatuloy na malawak na kilusang anti-korapasyon ng taumbayan at paglaban sa pasismo ng rehimeng US-Marcos. Ibayong palawakin ang lihim na mga samahang masa upang tuluy-tuloy na pukawin at himukin ang malawak na masa ng sambayanan na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan bilang tunay na solusyon sa krisis. Sa harap ng labis na pagkapoot sa nagnanaknak na kabulukan ng buong reaksyunaryong estado, napakainam ngayon ng sitwasyon para magrekrut para sa Bagong Hukbong Bayan at isulong ang digmang bayan sa kanayunan.