Paghaharing militar sa isla ng Samar at Kalinga

,

Sa Samar, simula Nobyembre 22 ay militarisado ang mga barangay Gereganan, Marcos, San Miguel at katabing mga komunidad sa Gandara. Bunga nito, mahigit 100 residente ng barangay Marcos at San Miguel ang napilitang lumikas sa kanilang mga bahay. Nagpataw rin ng hamlet ang militar at pinigilan ang pagpunta sa bukid at paghahanapbuhay.

Sa Northern Samar, naglunsad ng aerial bombing at pag-istraping ang 8th ID sa Barangay Nipa, Palapag noong alas-2 ng madaling araw ng Nobyembre 29. Nagdulot itong matinding takot sa mga residente.

Sa Kalinga, walang tigil ang operasyong kombat ng 103rd IB sa mga barangay sa Pinukpuk kasunod ng mga engkwentro nito sa hukbong bayan noong Nobyembre 21. Nagkakampo ang mga sundalo sa mga sentrong komunidad na nakaaapekto sa kabuhayan at seguridad ng mamamayan. Noong Nobyembre 30, hinalughog ng mga pulis ang bahay ng tagapagtanggol ng karapatang-tao na si Elma Awingan-Tuazon sa Barangay Cawagayan, Pinukpuk. Sinugod ng 20 pulis ang kanyang bahay sa paratang na kumukupkop ng sugatang mandirigma ng BHB.

Sa ibang bahagi ng bansa, naitala ang mga kaso ng pag-aresto, panununog, at panggigpit ng militar. Sa Navotas City, inaresto ng mga pulis ang kontra demolisyong lider-kababaihan na si Jane Alfabete noong Nobyembre 27.

Sa Negros Occidental, sinunog ng 15th IB ang bahay ng magsasakang si Carmelita Ulgasan sa Barangay Linaon noong Nobyembre 28 sa paratang na tagasuporta ng hukbong bayan. Samantala, patuloy ang panggigipit ni Warden Jsupt. Crisyrel Awe sa mga bilanggong pulitikal at ibang preso sa kulungan sa Bago City. Nagprotesta ang mga bilanggo at pamilya para labanan ito noong Disyembre 3.

Sa Masbate, ninakaw ng 2nd IB ang walong kalabaw at baka ng mga magsasaka sa Lupaing Triple A sa Cawayan, Masbate noong Nobyembre 27. Bago nito, ninakaw rin ng mga sundalo ang alagang hayop ng mga magsasaka sa mga barangay sa bayan ng Mobo, Milagros at Uson.

Paghaharing militar sa isla ng Samar at Kalinga