Nagpapalakas ang Kabataang Makabayan para sa digmang bayan
Bilang pagdiriwang sa ika-61 anibersaryo ng Kabataang Makabayan (KM) noong Nobyembre 30, naglunsad ng pag-aaral, asembliya, rali at iba pang aktibidad ang mga balangay nito. Pagsisikap rin ito ng KM para pasiglahin ang kilusang lihim sa hanay ng mga kabataan, upang palakasin ang paglahok nila sa rebolusyonaryong kilusan.
Pinalalakas ng KM ang sarili habang nangunguna ang mga kabataang Pilipino sa malawakang mga protesta kontra korapsyon sa buong bansa simula pa Setyembre. Hinihikayat ng KM ang mga kabataan na patuloy na palakasin ang kanilang sigaw at paglaban sa korapsyon at burukratang kapitalismo. Kasabay nito, inililinaw nila na ang tunay na pagbabago ay makakamit lamang ng mga kabataan at sambayanan sa pamamagitan ng digmang bayan.
Pag-aralan ang digmang bayan
Sa Maynila, isang balangay ng KM sa isang kolehiyo ang nagtipon para talakayin ang akda ni Ka Amado Guerrero na Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan. Pinili nila ang akda para mapag-aralan ang digmang bayan na inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), maunawaan ang mga partikularidad nito at mabatid ang pamamaraan ng pagsusulong nito mula sa isang yugto tungo sa isa pa.
“Napalalim nito ang pag-unawa ko sa digmang bayan,” pagbabahagi ni Ka Sharon, bagong rekrut sa KM. “Sa kabila ng uring pinagmulan ko, mas nasasabik ako ngayon na lumahok sa susunod na grupo ng mga estudyante na makikibahagi sa rebolusyonaryong integrasyon,” ayon ay Ka Len.
Sama-sama ring nanood ang mga myembro ng KM ng dokumentaryo ng Sine Proletaryo na Buhay Komunista 2, nag-aral ng rebolusyonaryong awitin na Pagbati, at nagbasa ng tulang Ang Gerilya Ay Tulad Ng Makata ni Kasamang Jose Maria Sison. Nagtalakayan rin ang balangay hinggil sa paglikha ng rebolusyonaryong sining at ang pagkakatulad nito sa sining ng gerilyang pakikidigma.
Nagpahayag ng optismo ang upisyal ng balangay na si Ka Ces sa positibong ibubunga ng kanilang nailunsad na pagtitipon. “Sana ay mabigyang kakayahan tayo ng mga talakayang ito na higit pang pandayin ang ating mga sarili sa larangan ng ideolohiya,” aniya. Higit umanong kinakailangan ito ng mga myembro ng KM sa harap ng umiigting na pampulitikang sitwasyon sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Mga rali, asembliya at OP-OD ng KM
Sa kabila ng pasistang panunupil ng rehimen, mapagpasyang nailunsad ng mga balangay ng KM ang mga rali, asembliya at operasyon pinta-operasyon dikit (OP-OD) sa ilang lugar. Mahusay nilang pinlano ang mga ito para matiyak ang kaligtasan sa seguridad ng bawat aktibidad.
Noong Nobyembre 27 at 28, at Disyembre 5, naglunsad ng rali ang mga balangay ng KM sa Quezon City at Maynila. Bitbit ang bandila ng KM, nanawagan sila sa mga kabataan at mamamayang Pilipino na sumapi sa BHB at ialay ang lakas, talino at kakayahan sa pagsusulong ng digmang bayan.
Sa Metro Manila, tatlong asembliya ng KM ang naisagawa noong Nobyembre. Samantala, nakapaglunsad ng OP-OD ang mga balangay ng KM sa De La Salle University (DLSU)-Manila, DLS-College of St. Benilde, University of the Philippines (UP)-Manila at Polytechnic University of the Philippines sa Maynila. Ikinasa rin ito ng KM sa UP Los Baños, sa Calamba City sa Laguna, at sa UP Cebu. Sa Canada, iniulat rin ng isang balangay ng KM na kinabibilangan ng mga kabataang Pilipinong migrante at diaspora ang paglulunsad ng OP-OD.
Kabi-kabila rin ang pamamahayag ng mga balangay ng KM para ipagdiwang ang anibersaryo nito. Pinagpugayan nila si Ka Joma, ang tagapangulong tagapagtatag ng KM, para sa kabang-yamang aral na iniwan niya para sa mga kabataan sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Kabilang sa mga naglabas ng pahayag ang mga balangay nito mula sa rehiyon ng Ilocos, Metro Manila, Negros Island, Panay, at sa Laguna, Cavite at Cebu.
“Sa ating paglubog sa masa, mapangahas nating pandayin ang ating paninindigan. Tinatawag tayong kumawala na sa ating komportableng buhay at kinasanayan…higit na may saysay ang sakripisyo para wakasan ang bulok na sistema,” pahayag ng KM.