Mga protesta

,

 

Israel at US, hinatulang maysala sa krimen ng henosidyo at ecocide. Nagtapos ang International People’s Tribunal (IPT) on Palestine na ginanap noong Nobyembre 22-23 sa Spain sa hatol na maysala ang Zionistang estado ng Israel at mga kasabwat nitong gubyerno ng US, UK, Germany, France at iba pa sa krimeng henosidyo at ecocide.

Noong Nobyembre 29, nagkaroon ng pagtitipon ang mga grupong maka-Palestine sa pangunguna ng Philippines-Palestine Friendship Association para talakayin at pagtibayin ang hatol ng IPT. Sinundan ito ng maiksing pagkilos sa harap ng University of the Philippines-Manila kung saan ginanap ang pagtitipon.

2-araw na kalampagan ng katutubong Cordilleran sa NCR. Idineklara ng mga katutubo mula sa Cordillera na matagumpay ang 2-araw na kalampagan sa pambansang kabisera na inilunsad nila noong Nobyembre 25 at 26. Layunin ng kalampagan ang ipabatid sa mga ahensya at kagawaran ng gubyerno, gayundin sa Kongreso, ang mga hinaing ng mga katutubo mula sa rehiyon. Pinangunahan ang kalampagan ng Cordillera People’s Alliance.

Planong demolisyon sa Taytay, kinundena. Nagprotesta sa harap ng munisipyo ng Taytay, Rizal ang mga residente mga sityong Sapang Gody at Siwang ng Barangay San Juan noong Nobyembre 26 upang manawagan ng dayalogo sa lokal na gubyerno at kundenahin ang bantang demolisyon sa kanilang lugar. Pilit na kinakamkam ng Sta. Lucia Corporation at ni Kristina Robles ang kanilang kinatitirikan.

Kabataan, tutol sa Davao Bus Project. Nagprotesta ang Anakbayan-SMR noong Nobyembre 24 sa Davao City, para ipanawagan ang pagbabasura sa pekeng modernisasyon at kontra-mamamayan ang Davao Bus Project (DBP) ng lokal na konseho ng Davao City. Ipinipilit ang proyekto ng Asian Development Bank, kasabwat ang pamilyang Duterte, sa syudad. Layunin ng proyekto na lusawin ang gumaganang sistema ng transportasyon sa Davao na binubuo ng mga moderno at tradisyunal na dyip, traysikel at bus. Popondohan ang DBP ng ₱54 bilyon na utang mula sa ADB.

Mga protesta