Buhay ang diwa ni Andres Bonifacio Libu-libong Pilipino, muling tumindig kontra korapsyon
Muling nagmartsa sa lansangan noong Nobyembre 30 ang libu-libong Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa para magprotesta laban sa nalalantad na malawakang korapsyon sa gubyerno. Kasabay ito ng paggunita sa ika-162 kaarawan ng ama ng himagsikang Pilipino na si Andres Bonifacio.
Sa araw na iyon, umalingawngaw ang mga panawagan ng bayan mula sa pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa katiwalian, paglansag sa mga dinastiya sa pulitika, at pagpapabitiw sa poder sa presidente na si Ferdinand Marcos Jr, bise presidente na si Sara Duterte, at iba pang tiwaling upisyal.
Sa pangunguna ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), mahigit 20,000 ang nagtipon sa Luneta Park sa Maynila para sa protestang Baha sa Luneta 2.0. Tinangka ng rehimeng Marcos na idiskaril ang pagkilos sa pagbabawal sa kanilang makapagtipon at makapaglunsad ng programa. Hindi napigil ng pananabotahe ang sigaw ng bayan para sa pananagutan at hustisya.
Dumalo sa pagkilos ang iba’t ibang mga grupo, pwersa at sektor kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, maralitang-lungsod, estudyante, kababaihan, at taong-simbahan. Tulad nang naunang idineklara ng KBKK, bukas nitong tinanggap ang iba’t ibang mga panawagan ng mga grupo kabilang ang pagpapabitiw kina Marcos at Duterte at pagtatayo ng isang transition council.
Libu-libo rin ang nagtipon sa protestang Trillion Peso March 2.0 na ginanap sa EDSA sa Quezon City. Pinangunahan ito ng Simbahang Katolika at iba pang mga grupo at partido na bumubuo sa Trillion Peso March Movement (TPMM).
Bago ang mga pagkilos, sinikap pero nabigo ang KBKK na makipagkaisa sa TPMM para sa iisang protesta sa Metro Manila. Hindi payag ang mga grupo sa TPMM, partikular na ang Akbayan, na hayagang dalhin ng mga grupong nakapailalim sa KBKK ang mga panawagang tahasang nagdidiin kay Marcos sa pagkakasangkot sa sistemikong korapsyon.
Labas sa Metro Manila, kumilos ang mga grupong alyado ng KBKK sa Baguio City, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Isabela, Tarlac, Calamba City, Cavite, Oriental Mindoro, Legazpi City, Naga City, Antique, Capiz, Aklan, Iloilo City, Bacolod City, Cebu City, Tacloban City, Davao City, Cagayan de Oro City at sa General Santos City. Naiulat rin ang mga misa, pagtitipon at martsa ng mga kaparian at lider ng simbahan, kasama ang mamamayan, sa hindi bababa sa 86 diyosesis sa buong bansa.
Sa labas ng Pilipinas, umabot sa halos 2,000 Pilipinong migrante at mga alyado sa 30 syudad sa 23 bansa ang lumahok sa pandaigdigang pagkilos kontra korapsyon. Pinangunahan ang mga protesta ng kabubuo lamang na KBKK-Global.
Step down kontra step up
Higit na tumining ang pagkakaiba ng panawagan ng mga grupo kaugnay sa pagpapanagot kay Marcos mismo. Tumatanggi ang Akbayan, isa sa mga nangunguna sa TPMM, na kilalanin ang tindi ng korapsyon ni Marcos at sa halip ay nanawagan pa itong mag-“step-up” siya sa paglaban sa korapsyon. Lubhang taliwas ito sa paninindigan ng KBKK na malaki ang pananagutan ni Marcos sa sistemikong katiwalian sa gubyerno.
Nanawagan din ang Akbayan kay Marcos na gawing prayoridad ang “anti-dynasty bill,” kahit pa ang pamilya nito ang pinakabangkaroteng dinastiya sa pulitika.
“Step down” (bumaba ka na) ang panawagan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan, bahagi ng KBKK) kay Marcos. Ito ay para mabigyang daan ang isang malaya at masusing imbestigasyon laban sa korapsyon, at harapin ang pananagutan sa kanyang mga krimen laban sa mamamayang Pilipino.
Matapos ang protesta ng KBKK sa Luneta Park, pinamunuan ng Bayan ang martsa patungong Mendiola para singilin si Marcos. Ipinanawagan ng grupo ang pabibitiw nina Marcos at Duterte. Panawagan nilang palitan sila ng isang national transition council. Tulad sa nakaraan, hinarangan sila ng libu-libong pulis at natulak na magprograma sa tapat ng University of the East sa Recto Avenue. Nakimartsa sa Bayan ang mga pwersa ng Partido Lakas ng Masa, Bukluran ng Manggagawang Pilipino at Sanlakas.
Sa pagtatapos ng programa sa Recto Avenue, winasak ng mga raliyista ang effigy ni Marcos na may suot na korona at sash may nakapintang bandila ng US.