Palayain ang mga bilanggong pulitikal, palayain ang mga mariposa ng mapagpalayang kilusan
Taun-taon, kada Nobyembre 25, ginugunita ang International Day for the Elimination of Violence Against Women (IDEVAW). Pagkilala ito sa pagkamartir ng babaeng magkakapatid na Mirabal na pinapaslang ng estado ng Dominican Republic noong 1960. Ipinag-utos noon ng diktador na si Rafael Trujillo ang pagpatay sa magkakapatid na sina Patria, Minerva at Maria Teresa dahil sa kanilang paglaban.
Ang mga magkakapatid, kilala bilang mga mariposa sa kanilang bansa, ang kabilang sa nagtatag ng anti-diktadurang kilusang “14th of June.” Naging simbolo sila ng anti-diktadurang pakikibaka ng Dominican Republic at maging sa ibang bansa. Ang kanilang kamatayan ang isa sa naging mitsa sa pagbagsak sa diktadurang Trujillo, anim na buwan matapos ang pagpaslang.
Tulad ng magkapatid na Mirabal, libu-libong kababaihan sa Pilipinas ang ginagamit ang kanilang talino, lakas at buhay upang labanan ang pasismo ng estado, ipaglaban ang karapatan ng kababaihan at baguhin ang lipunan. Tulad sa mga Mirabal, karahasan rin ang tugon sa kanila ng estado. Biktima sila ng pag-aresto, pagdukot, detensyon, sekswal na pang-aabuso, sapilitang pagkawala at pamamaslang.
Karahasan ng di makatarungang pang-aaresto at detensyon
Kabilang sa biktima ng karahasan ng estado ang magkapatid na Banjawan. Inaresto si Fatima, organisador ng Gabriela Youth, ng 85th IB noong Agosto 2, 2024 sa Santa Elena, Camarines Sur. Pagkalipas ng ilang buwan, inaresto si Pauline ng 59th IB noong Abril 26. Pareho silang ipinailalim sa pisikal at mental na tortyur ng militar.
Sina Fatima at Pauline ay ilan lamang sa daan-daang kababaihang biktima ng pag-aresto at pagdukot sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.
Batay sa tala ng grupong Karapatan, mayroong 696 bilanggong pulitikal sa bansa kung saan 164 ang inaresto sa ilalim ng rehimeng Marcos. Sa mga bilanggo, 146 dito ay kababaihan. Nakapagtala naman ang Ang Bayan ng 63 na kaso ng pag-aresto ng kababaihan, tatlo sa mga ito ay may kasamang bata o sanggol nang inaresto, at lima sa kanila ay buntis. Karamihan sa mga inaresto ay mula sa Negros (14), sumunod sa Bikol (10) at Southern Tagalog (9).
Target ng estado ang mga kabataang kababaihan na piniling mag-organisa at maglingkod sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda at katutubo. Kabilang dito sina Amanda Echanis, Michelle Campos, Emelyn Acevido, Charisse Bañez, Louvaine Erika Espina, Sofia Almonte at Andy Magno. Sila ay iligal na inaresto, dinukot at ikinulong sa kampo ng militar at ipinailalim sa mental at/o pisikal na tortyur bago ipinasa sa kapulisan para ikulong. Sinampahan sila ng mga kaso katulad ng illegal possession of firearms and explosives, homicide, murder, at paglabag sa Anti-terrorism Act.
Target ang bulnerableng kababaihan
Sadyang tinatarget din ang mga buntis o kapapanganak lamang na pinaghihinalaan nilang Pulang mandirigma o asawa ng Pulang mandirigma. Maging ang sanggol ay hindi ligtas sa pagdukot ng mga militar.
Noong Enero 13, 2021, bandang alas-2 ng umaga, pinasok ng mga sundalo mula sa 79th IB ang bahay nina Edwin at Marlyn Madin sa barangay San Fernando, Talisay City, Negros Occidental at dinukot ang noo’y 2-buwang sanggol na si Baby Marx Cairo Salino. Ginamit na hostage ng AFP ang sanggol upang pwersahin ang kanyang mga magulang na myembro ng Bagong Hukbong Bayan na magsurender. Hanggang sa kasalukuyan ay pinagkakait ng DSWD ang kustodiya ni Baby Marx sa kanyang lolo at lola, ayon sa utos ng AFP.
Sa pag-igting ng pang-ekonomya at pampulitikang krisis sa bansa, mas tumitindi ang karahasang nararanasan ng kababaihan. At sa pag-igting na ito, tiyak na mas dadami pa ang kababaihang titindig upang mawakasan ang pyudal-patriyarkal at burges-dekadenteng sistema.
Ayon sa Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, 65 taon matapos paslangin ang magkakapatid na Mirabal, lalupang nagiging mas makabuluhan at mahalaga ang rebolusyon. Tanging sa armadong paglaban na may sosyalistang perspektiba ang nananatiling mapagpasyang landas para wakasan ang karahasang nakabatay sa kasarian hanggang sa ganap na paglaya ng kababaihan.