Mga paglabag sa karapatang-tao, naitala sa iba't ibang panig ng bansa
Naitala sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga kaso ng pagdukot, Red-tagging, panggigipit, at pagsampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga magsasaka, manggagawa at tagapagtaguyod ng karapatang-tao.
Pagdukot. Dinukot ng mga elemento ng 47th IB si Lolly Alperto, 60-anyos, magsasaka, habang namimitas ng kape malapit sa kanyang bahay sa Sityo Agpapataw, Barangay Binobohan, Guihulngan, Negros Oriental noong Enero 31. Naiulat na pinaulanan ng bala ng mga sundalo si Alperto at tinatayang nasugatan bago siya dinukot. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya natutunton ng kanyang pamilya.
Pagdakip at pagsampa ng kaso. Dinakip ng mga gwardya at ng PNP-Cabuyao ang 21 magsasaka na naglulunsad ng kampuhan sa Sityo Veinte-Veinte Cuatro, Barangay Casile, Cabuyao, Laguna noong Pebrero 7. Tinututulan ng mga magsasaska ang pang-aagaw sa kanilang lupa ng Laguna Estates Development Corporation, pag-aari ng pamilyang Yulo. Kinasuhan sila ng “trespassing” ngunit agad ding ibinasura ng piskalya. Inaangkin ng kumpanya ang 24-ektaryang lupa sa barangay.
Sa Bulacan, inaresto ng mga elemento ng PNP-San Jose Del Monte (SJDM) si Engineer Even Calajate noong Pebrero 11, isa sa testigo laban sa kumpanyang Primewater. Inaakusahan siya ng perjury (pagsisinungaling sa isang sinumpaang salaysay) ng limang suporter ni Rida Robes, meyor ng SJDM. Ang kaso ay kaugnay sa kanyang naging testimonya sa Senado noong Nobyembre 2025 nang maglunsad ito ng pampublikong imbestigasyon hinggil sa palpak na serbisyo ng Primewater.
Panggigipit. Dalawang lalaking nakasibilyan na nagpakilalang mga sundalo ang pumunta sa bahay ni Eduardo Capuyan, retiradong organisador ng mga manggagawa sa Southern Mindanao Region noong Pebrero 10. Ininteroga siya kaugnay sa ilang mga indibidwal na hinahanap ng militar.
Sa Caloocan City, sapilitang pinasok at ninakawan ang upisina ng Gabriela-Caloocan noong Pebrero 17. Tinangay ng mga ito ang projector, mga polyeto na gagamitin sa anibersaryo ng EDSA sa Pebrero 25, at iba pa. Niransak ng mga salarin ang upisina. Unang pinasok at pinailalim sa sarbeylans ang upisina ng grupo ng mga nagpakilalang pulis noong Oktubre 28, 2025.
Red-tagging. Sa Albay, mula Pebrero 8 ay napansin ang pagkalat ng mga poster ng NTF-Elcac kung saan ni-Red-tag ang mga progresibong lider at grupong Bicolano sa palibot at loob ng mga unibersidad at eskwelahan. Kabilang sa biktima si Julius Espadero, bise presidente ng ACT Bicol Union.